BULACAN -Tatlong hinihinalang manyakis ang magkakasunod na nadakip sa police response ng Bulacan PNP katuwang ang mga barangay tanod makaraaang ireklamo ng kasong act of lasciviousness sa mga menor de edad sa mga bayan ng Baliwag, San Ildefonso at San Jose del Monte City lalawigang ito, nitong Lunes.
Base sa report kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, Acting Police Director ng Bulacan PNP, kinilala ang mga arestado na sina Richard Gasparillo y Cuyo ng Barangay Concepcion, Baliwag; Justine Pastrana y Maningas ng Barangay Alagao, San Ildefonso, at Jobert Zaragoza y Gordo ng Barangay San Rafael 1, SJDM City, pawang naghihimas na ng rehas na bakal makaraang paghihipuan sa maselang bahagi ng katawan ang menor de edad na mga biktima sa magkakahiwalay na insidente.
Nabatid na unang nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Gasparillo sa Barangay Concepcion, Baliwag at kasunod na nadakip si Pastrana sa bayan ng San Ildefonso habang nakorner si Zaragoza sa siyudad ng San Jose del Monte.
Ang tatlong suspek ay pawang nahaharap sa kasong act of lasciviousness in relation to RA 7610 (child abuse).
Samantala, pinatitindi ngayon ng Bulacan PNP ang anti-crime campaign sa nasabing lalawigan partikular ang mabilis na police response sa mga krimen bunsod ng direktiba ng PNP chief at ni P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia, director ng Police Regional Office 3 (PRO3). (GINA BORLONGAN)
