UMABOT sa 100 gramong hinihinalang shabu na P680,000 ang street value, ang nakumpiska sa tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District sa Sta. Cruz, Manila noong Sabado ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Marcelo Ofiana, 54; Sittie Naimah Dimaopong y Bagonte, 28, at Gerardo Morandante y Payawal, 40-anyos.
Batay sa ulat ng Station Anti-Illegal Drug Enforcement Team na isinumite kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng MPD- Station 3, bandang alas-8:30 ng gabi nang isagawa ang buy-bust operation sa panulukan ng Quiricada at Ipil streets sakop ng Brgy. 327, Sta. Cruz.
Pinangunahan ni P/Major Pidencio Saballo, hepe ng Station Anti-Illegal Drug Enforcement Team, ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek sa nabanggit na lugar.
Sa nasabing operasyon ay nakumpiska sa mga suspek ang anim na malaking bulto ng umano’y shabu na tinatayang P680,000 ang halaga.
Samantala, swak sa karsel ang isang 62-anyos na lolo at dalawa pang lalaki nang matimbog sa buy-bust operation noong Sabado ng gabi sa Navotas City.
Arestado ang mga suspek na sina Reynaldo Cruz, 62; Carl Lewis Urqueza, 21, at Ernanie Santos, 43, mga residente ng lungsod.
Ayon sa pulisya, alas-11:45 ng gabi nang isagawa ang operasyon laban sa mga suspek sa Wawa St., Brgy. Tangos South at nang makaiskor ang isang undercover cop kina Urqueza at Santos ng P300 halaga ng umano’y shabu ay agad inaresto ang mga ito ng mga awtoridad.
Minalas na dinampot din ng mga pulis si Cruz na umiskor ng shabu sa mga suspek.
Nakumpiskahan ang mga suspek ng 10 gramo ng shabu na P108,800 ang halaga, buy-bust money at P300 cash.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO/ALAIN AJERO)
