ARESTADO ang tatlong indibidwal na umano’y nagpanggap na mga pulis, sa inilatag na checkpoint sa Binondo, Manila noong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang mga inaresto na sina alyas “Zoren”, 28, dating pulis, ng Bulacan; “Kenjie”, 26, ng Navotas City, at “Eduardo”, 36, ng Quezon City.
Ayon sa ulat ni Police Master Sergeant Ryan Tumanlao ng Gandara Police Community Precinct, kay Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, station commander ng Meisic Police Station 11, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang masakote ang mga suspek sa ipinatutupad na checkpoint sa Binondo, Manila.
Napag-alaman, namataan umano ang isang pulang Mitsubishi Mirage na may dalawang plate number.
Agad nagsagawa ng ‘search’ ang mga pulis, katuwang ang mga operatiba ng Station Tactical Rider Motorized Unit (STRMU), sa nasabing sasakyan kung saan nakitaan ng mga baril ang mga suspek.
Naka-uniporme umano ng pulis ang dalawa sa mga ito habang ang isa ay nakasibilyan.
Walang naipakitang identification card ang mga suspek na magpapatunay na lehitimo silang mga pulis naging dahilan upang sila ay arestuhin ng mga awtoridad.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code (Usurpation of Authority) at Article 179 (illegal use of uniform or insignia), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9516 (illegal possession of explosives).
(RENE CRISOSTOMO)
