3 NASAWI SA ROAD MISHAP SA CAMSUR

PATAY ang tatlo katao habang isa ang nasa kritikal na kalagayan matapos suyurin ng isang SUV ang dalawang motorsiklo at isang trimobile sa Barangay San Juan Bautista, bayan ng Goa, Camarines Sur.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake umano ang SUV driver sa isang trimobile nang mawalan ito ng kontrol sa manibela at masagi ang sasakyan. Dahil dito, kinain ng SUV ang kabilang linya at tuluyang sumalpok sa dalawang kasalubong na motorsiklo.

Dead on the spot ang magkapatid—isang babae at isang lalaki—na sakay ng unang motorsiklo, gayundin ang 22-anyos na driver ng ikalawang motorsiklo. Kritikal naman ang 19-anyos na lalaking angkas ng ikalawang motorsiklo na agad isinugod sa ospital.

Hinihinalang nasa impluwensiya ng alak ang 19-anyos na driver ng SUV na kasalukuyang nakakulong sa Goa Municipal Police Station. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries, at damage to property.

(JESSE RUIZ)

10

Related posts

Leave a Comment