3 OBRERO ARESTADO SA RAPE SA ESTUDYANTE

ARESTADO na ang tatlong construction workers na sangkot sa panggagahasa sa isang estudyante sa Pasig City, sa operasyong isinagawa ng mga operatiba ng Pasig City Police Station Intelligence Section kasama ang RIU-NCR, NISG-NCR, RMFB4A 404th A Maneuver Company at iba pang unit.

Ayon sa report na tinanggap ni PCol. Hendrix Mangaldan, chief of police ng Pasig City, kusang isinuko sa mga awtoridad ng mga kamag-anak ang mga suspek noong Pebrero 13, 2025, dakong alas-12:50 ng hapon napagkasunduang lugar sa P. Gomez Street, Brgy. San Jose, Pasig City.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ward,” 28, may live-in partner, No. 6 top most wanted ng NCRPO, alyas “Renz,” 28, binata, No. 4 top most wanted ng EPD, at alyas “Mar,” 28, binata, No. 4 sa top most wanted ng Pasig PNP, pawang nakatira sa Brgy. Pinagbuhatan ng nasabing lungsod.

Sinabi ni Mangaldan, inaasahan nila na susuko na rin ang ika-apat na lalaking suspek, isang menor de edad na estudyante at hinimok ang mga kamag-anak na isuko na rin ito sa mga awtoridad.

Idinagdag pa ng chief of police, niyaya umano sa bahay ng ika-apat na suspek ang 18-anyos na kaibigang estudyanteng biktima na makipag-inuman kasama ang tatlo pang suspek at doon nangyari ang panghahalay noong Setyembre 3, 2017.

Ang warrant of arrest laban sa mga suspek ay inisyu ni Presiding Judge Jesus Angelito Huertas, Jr. ng Regional Trial Court Branch 261 ng Pasig City, sa kasong rape sa ilalim ng Article 266-A paragraph 1 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng RA 8353 at may dagdag na amyenda ng RA 8369 kung saan walang inirekomendang piyansa. (NEP CASTILLO)

3

Related posts

Leave a Comment