NANUMPA na rin kay House Speaker Lord Allan Velasco ang mga bagong hirang na deputy speaker ng Kamara na sina Rep. Bernadette Herrera-Dy (Bagong Henerasyon party-list), Divina Grace Yu (1st District, Zamboanga del Sur) at Kristine Singson-Meehan (2nd District, Ilocos Sur).
Si Herrera-Dy ay naglingkod bilang deputy majority leader bago siya nahirang na deputy speaker ng mga miyembro ng Kamara.
Sa ngayon ay nasa ikalawang termino na bilang kinatawan ng Bagong Henerasyon si Herrera-Dy na dati ring naglingkod bilang konsehal ng Unang Distrito ng Lungsod Quezon at miyembro ng ika-15 at ika-17 Kongreso.
Samantala, si Yu ay naglingkod bilang chairperson ng committee on Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy sa Kamara bago nahirang na deputy speaker.
Kasalukuyan siyang nasa ikalawang termino bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Zamboanga del Sur, habang nagsilbi rin si Yu bilang pangalawang alkalde ng lungsod ng Pagadian mula 2013 hanggang 2016.
Si Singson-Meehan naman ay anak ni dating Rep. Eric Singson. (CESAR BARQUILLA)
383
