CAVITE – Makaraan ang ilang linggo, tinanggalan na rin ng maskara ang mga taong nasa likod ng robbery in band incident sa dalawang bahay ng isang Indonesian national noong Pebreo 13, 2024 sa bayan ng Kawit sa lalawigan.
Sa ginanap na press conference na pinangunahan nina Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director; Cavite Provincial Director Police Col. Eleuterio Ricardo Jr., at Kawit Police chief, Lt. Richard Corpuz, kinilala ang tatlong pulis na umano’y sangkot sa insidente na sina Police Senior Master Sergeant Jhon Paolo Maigue Mellona, nakatalaga sa Cavite Provincial Intelligence and Detective Management Unit, umano’y may-ari ng van na ginamit sa insidente; Police Senior Master Sergeant Reynaldo Andrada Quilit Jr., nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit, Cavite PPO, at Police Corporal Lynard Pastrana Pareja, nakatalaga sa Provincial Drug Enforcement Unit ng Laguna PPO.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong robbery in band na isinampa sa Cavite Prosecutor’s Office, Imus City, Cavite, dakong alas-11:50 ng umaga noong Martes.
Base sa imbestigasyon, noong Pebrero 13, dakong alas-5:00 ng hapon, puwersahang pinasok ng mga suspek na nakasuot ng itim na jacket, gray long sleeves, naka-cap at naka-face mask, ang dalawang bahay sa Grand Centennial Homes, Brgy. Magdalo-Potol, Kawit, Cavite, tinutukan at itinali ang mga biktima saka tinangay ang mahalagang mga gamit, kabilang ang cellphone, mahalagang mga dokumento, baril at ‘di batid na halaga ng cash.
Pero sa isinagawang imbestigasyon at follow-up operation ng pulisya, natukoy ang sasakyan na ginamit ng mga suspek na isang puting Toyota Hi-Ace van na pag-aari ng isang pribadong indibidwal sa Tanza, Cavite at umano’y nirentahan pero sa bandang huli ay natukoy na kay Mellona.
Dahil sa nasabing impormasyon, nabulgar na rin ang iba pang mga sangkot sa insidente na kinabibilangan ni Quilit at Pareja, kabilang ang dalawang sibilyan na kasama nila at apat na John Does.
Matapos na sampahan ng kaso, ang tatlong pulis ay sinibak sa kanilang pwesto at ni-reassigned sa Regional Headquarters Holding Area Section (RPHAS) at isinailalim sa restricted custody.
Iniutos din ni Lucas sa Regional Investigation and Detective Management Division, sa koordinasyon ng Regional Internal Affairs Service, ang parallel administrative investigation sa insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
