3 SOKOR FUGITIVES NABITAG NG BI

INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa tatlong South Korean nationals na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa operasyon ng illegal gambling site sa internet.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga pugante na sina Kim Jisoo, 31; Park Seunghoon, 37, at Kwon Yoseob, 33; nadakip noong Lunes sa Clark Freeport sa Angeles City, Pampanga ng mga operatiba mula sa bureau’s Fugitive Search Unit (FSU).

Sinabi ni Morente, nag-isyu siya ng mission order para sa pag-aresto matapos ipaalam ng South Korean authorities sa BI ang presensya ng mga suspek sa bansa bilang wanted fugitives, at kasalukuyang rebokasyon ng kanilang mga passport.

Ayon kay BI FSU Chief Rendel Sy, ang tatlo ay pakay ng standing arrest warrants na inisyu noong Hulyo 31 ng isang district court sa Busan, South Korea.

Sila ay kinasuhan sa nasabing korte dahil sa paglabag sa South Korea’s Game Industry Promotion Act dahil sa operasyon ng illegal gambling.

Ayon sa impormasyon mula sa BI, nabatid na ang mga suspek ay nakipagsabwatan sa paggawa ng online exchange server na may pangalang “chong-al-money” na nag-o-operate bilang gambling activities.

Maraming customers ang nawalan ng pera o naloko ng mga suspek dahil sa nasabing modus.

Kaugnay nito, inaasahan na ang mga suspek ay makukulong sa kanilang bansa ng mahigit sa limang taon at magmumulta ng 40 million won bawat isa.

Ang tatlo ay kasalukuyang nakakulong sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang kanilang deportasyon. (JOEL O. AMONGO)

117

Related posts

Leave a Comment