NAARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation–Cybercrime Division (NBI-CCD) ang tatlong indibidwal na sangkot sa ilegal na pagpapakabit at pagbebenta ng internet services sa magkahiwalay na operasyon sa Cavite at La Union.
Unang nadakip sina alyas Vince at Urmesh sa General Trias, Cavite noong Agosto 28, matapos madiskubreng dine-divert sa kanilang account ang bayad ng mga subscriber. Gumagamit umano ang dalawa ng mga computer para sa ilegal na reactivation, boosting, at resale ng internet connections nang walang awtoridad mula sa lehitimong service provider. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Section 4(a)(1) o Illegal Access sa ilalim ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, sa follow-up operation noong Setyembre 16, nahuli rin ang isang alyas Jay sa Naguilian, La Union. Siya ay kinasuhan ng Illegal Access, Misuse of Devices at System Interference sa ilalim ng RA 10175, bukod pa sa Unauthorized Distribution of Network Services, estafa sa ilalim ng Revised Penal Code, at RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago, kaagad nilang inaksyunan ang reklamo ng isang internet service provider noong Hunyo 4, 2025, laban sa mga nag-aalok ng murang internet services sa pamamagitan ng Facebook page na “RECON VERGECON.”
Bago ang operasyon, nagsagawa muna ang NBI ng technical at physical tracing sa network access points at nang makumpirma ang ilegal na aktibidad ay kumuha ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD). Sa pagsalakay sa isang bahay sa Parklane Country Homes, General Trias, natuklasan ang dalawang operational computers na konektado sa apat na MAC addresses ng isang internet provider gamit sa illegal access.
Sa operasyon sa La Union, sinalakay naman ang isang tatlong palapag na bahay sa Cabaritan Sur, Naguilian, kung saan nakumpiska rin ang iba’t ibang computer devices na ginagamit sa pagbibigay ng ilegal na internet connections sa mga kalapit na bahay.
(CHAI JULIAN)
