3 TIMBOG SA P1-M SHABU SA TONDO

BUNSOD ng utos ni NCRPO chief, P/Major General Vicente Danao Jr. na pag-ibayuhin ang operasyon laban sa droga, tatlo katao ang nahulog sa kamay ng mga tauhan ng Manila Police District sa buy-bust operation at nakumpiska ang mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa Tondo, Manila noong Sabado ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang mga suspek na sina Anna Loivina De Leon y Desiderio, 38; Dianne Joy Desiderio y Elgarico, 35, at Atilano Layosa Jr. y Pagad, 38-anyos.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., station commander ng Manila Police District-Station 2, bandang alas-5:00 ng madaling araw nang isagawa ang buy-bust operation sa isang iskinita sa Malaya St., Brgy.124, Zone 10 sa Tondo.

Pinangunahan ni P/SSgt. Jasper Jay Mapa ng Station Anti-Illegal Drug Enforcement Team, ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang mahigit sa P150 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P1,020,000 ang street value. Bukod dito, nasamsam din sa isa sa mga suspek ang .45 kalibreng baril. (RENE CRISOSTOMO)

206

Related posts

Leave a Comment