(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TATLO’T kalahating dekada na ang nakararaan nang masaksihan ng sambayanan ang pinakamalaking kilos protesta ng mga magsasakang tanging giit ay ang karapatan sa lupang sinasaka laban sa mga naghaharing uri — mga mapagsamantalang hasyendero at ganid na kapitalista.
Kasama ang ilang estudyante mula sa isang pamantasan sa Maynila, binagtas namin ang puso ng Maynila. Pagdating sa Kalye Bustillos, nakabalandra na ang sandamukal na armadong pulis, kaya naman minabuti namin maghiwa-hiwalay, umiba ng daan at pasimpleng tumuloy sa Recto Avenue kung saan dadaan ang makapal na hanay ng mga magsasaka.
Ilang saglit pa, naging bahagi na kami ng makapal na protesta ng mga magsasakang wari namin ay galing pa sa malalayong probinsya. Bitbit ang mga kulay pulang bandila at mga plakard yari sa kartolina, nagmartsa ngunit hindi na nakaabot pa sa tulay ng Mendiola.
Sinalubong ng mga pulis mula sa iba’t ibang direksyon ang mga nagpoprotesta, ibinuyog palayo sa hanay hanggang sa magkagulo. Maya-maya pa, umalingawngaw ang mga putukan.
Nagkalat ang mga bulagta, duguan habang patuloy ang pagsigaw ng saklolo hindi dahil sa tinamong tama ng bala kundi para sa kinabukasan ng kanilang pamilyang wala nang mapapala sa sinasakang lupa – dangan naman kasi, ang isinabatas na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na si dating pangulong Cory Aquino mismo ang bumalangkas, hindi pala saklaw ang mga panginoong may lupang noo’y nasa poder at mga kaalyado’t kamag-anak na may-ari ng malalaking lupa sa malalayong probinsya.
Nang humupa ang putukan, 13 ang namatay at mahigit sa 50 ang sugatan.
Wala sa nasabing bilang ang mga nag-organisa ng kilos protesta. Kaya naman pala, andun sila sa Lawton area, nagkakape at naghihintay ng balita mula sa sugong pinagmamatyag sa mga kaganapan sa Mendiola.
Higit pa sa pamamaslang ng magsasaka, may dalawang isyung higit na lumutang matapos ang Mendiola Massacre – ang selective policy sa pagpapatupad ng CARP at ang mga nag-organisang wala naman pala sa mismong hanay ng kilos protesta.
Lupa para
sa nagsasaka
Kung tutuusin, maganda ang layunin ng CARP. Ipamahagi ang lupang sakahan sa mismong nagsasaka. Dangan naman kasi, sa mahabang panahon ay mistulang alila ang turing sa mga magbubukid na ang tanging pakinabang ay kapirasong kitang ibinabase lang sa ani ng bukid na sinasaka.
Target ng CARP ang ipamahagi ang hindi bababa sa walong milyong ektaryang sakahan sa mga magbubukid, isang batas na hanggang ngayon’y hindi pa ganap na naisakatuparan ng pamahalaan.
Bakit? May mga inilabas kasing talaan ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng mga hacienderong exempted sa CARP.
Ang totoo, magpahanggang ngayon, nananatiling pangarap sa hanay ng maraming magbubukid ang katuparang pangako ng CARP. Marami na ang pumanaw sa paghihintay, may mga piniling mamundok na lang at mayroon din namang nag-iba na ng linya.
Ang lupang target ng CARP, nananatiling pagmamay-ari at nasa kontrol ng mga maimpluwensyang pamilya at mga mapagsamantalang kapitalista. Mayroon din namang ginawang private subdivision, industrial zones, golf course at iba pang wala namang kinalaman sa agrikultura.
Hindi nakapagtatakang kapos ang suplay ng pagkain sa pagkawala ng mga sakahan at ng mga mismong magsasakang ayaw ng umasa sa gobyernong walang pandama.
Isinakripisyo
Sa malagim na insidente sa Mendiola, malinaw na isinakripisyo ang buhay ng mga magsasaka ng mga nag-organisasyong hangad marahil ay isulong ang kanilang maitim na adyenda.
Kung tutuusin, responsibilidad ng mga pumupusturang lider magsasaka ang kapakanan ng kilusang kumakatawan sa mga magbubukid. Ilan sa kanila, naging kongresista pa.
Matapos ang mahabang panahon, ang reporma sa lupa pangarap lang ng mga magsasaka lalo pa’t nananatiling makapangyarihan ang mga pamilyang mistulang panginoon noon hanggang ngayon.
Ang tanong – kailan kaya maipatutupad nang walang kinikilingan at walang kinikilala ang CARP na ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng 13 magsasaka sa Mendiola kung saan abot-tanaw ang Palasyong tahanan at tanggapan ng Pangulo?
Ang sagot – huwag umasa, dangan naman kasi wala ni isa sa kanila ang nakaranas ng miserableng kondisyon ng mga magsasaka. Baka nga kahit magtanim sa paso, hindi nila kaya!
