SUMAILALIM sa tatlong araw na post-traumatic stress debriefing ang 39 sundalo na nakaligtas sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 sa karagatan malapit sa Baluk-baluk Island sa Basilan.
Kinumpirma ng 11th Infantry “Alakdan” Division ng Philippine Army na kabilang sa survivors ang 32 miyembro ng 21st Infantry Battalion.
Ayon kay Maj. Gen. Leonardo I. Peña, Commander ng 11th Infantry Division at Joint Task Force Orion, tumulong pa ang mga sundalo sa ibang pasahero habang nagaganap ang trahedya.
“Beyond surviving the ordeal, accounts reveal that the soldiers helped calm fellow passengers and assisted civilians in putting on life vests amid the chaos,” pahayag ni Peña.
Isinagawa ang debriefing mula Pebrero 2 hanggang 4 sa Alakdan Club Room upang matiyak ang mental health at kapakanan ng mga sundalo.
Pinangunahan ni Dr. Juliet Jakiran ang psychosocial therapy kung saan binigyan ng trauma interventions at coping strategies ang mga kalahok. Personal ding binisita ni Peña ang aktibidad upang kumustahin ang kalagayan ng tropa.
(JESSE KABEL)
56 