BULACAN – Apat na itinituring na high value individuals ang naaresto ng mga mga operatiba sa bayan ng Pulilan sa lalawigan noong Huwebes, Disyembre 5.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-5:30 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng PIU/PDEU Bulacan PPO at Pulilan Municipal Police Station sa Barangay Tibag ng nasabing bayan na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na mga suspek.
Kinilala ni Bulacan Police director, PCol. Satur Ediong ang inarestong mga suspek na sina alyas “Jonjon”, 40; “TJ”, 32; “Jeff Punk”, 38, at “Ratboo”, 20-anyos.
Nakumpiska sa mga suspek ang walong transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 150.1 gramo, na may standard drug price na P1,020,680.
Samantala, noong Miyerkoles ng hapon, habang nagsasagawa ng checkpoint operation sa Barangay Lambakin, Jaen, Nueva Ecija ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion katuwang ang Jaen Municipal Police Station, kanilang pinahinto ang isang Bajaj motorcycle na may sidecar.
Nang tingnan ang lisensya at rehistro ng nasabing tricycle, napansin ng mga pulis ang isang magasin ng baril na may mga bala na nakasilid sa toolbox sa likod ng windshield ng sidecar.
Sa isinagawang inspeksyon ay nakita ang mga sumusunod: isang Colt 9mm pistol, dalawang magasin para sa 9mm pistol at anim na piraso ng 9mm cartridges.
Agad hinanapan ng kaukulang dokumento ang driver na kinilalang si Romulo Sarte Jr. at nang walang maipakita ay inaresto ng mga pulis dahil sa paglabag sa RA 10591. (ELOISA SILVERIO)
