4 LOLA PATAY SA COFFEE BREAK SA KALSADA

NEGROS Oriental – Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang isang senior citizen nang mapatay ang apat na lola na nagkakape sa tabing kalsada makaraang masalpok ang mga ito nang minamaneho niyang pick-up truck sa bayan ng Jimalalud sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Colonel Bryant Demot, Negros Oriental Police Provincial Office director, agad binawian ng buhay ang mga biktimang sina Lydia Garsula, 80; Herminilda Gantalao, 76; Milagros Garsula, 82, at Remedios Fabillar, 65, pawang ng bayan ng Jimalalud.

Sa impormasyong ibinahagi ni Col. Demot, kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa ACE Medical Doctors sa Dumaguete City ang driver ng pick-up truck na kinilalang si Roberto Lim, 62, ng Barangay North Poblacion.

Ayon sa pulisya, nagkakape ang mga biktima sa harap ng isang sari-sari store sa gilid ng highway nang biglang tumbukin ng Isuzu D-Max pick-up truck na may temporary plate, na minamaneho ni Lim.

Inihayag ng traffic investigator na si P/Staff Sergeant Joey Patuc, nag-overtake ang Isuzu D-MAX sa sinusundan nitong van ngunit nawalan ng kontrol ang driver hanggang sa dumiretso sa tindahan sa tabi ng daan kung saan nagkakape ang mga senior citizen.

Dahil sa impact ng pagkabangga, tumilapon sa kanal ang isang matanda habang ang tatlo ay kumalat sa outer lane ng highway. (JESSE KABEL)

108

Related posts

Leave a Comment