APAT na most wanted persons ang arestado sa loob lamang ng 24-oras na operasyon ng pulisya sa magkakahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela City Police Warrant and Subpoena Section (WSS) chief, P/Lt. Robin D. Santos, ang apat na arestadong mga suspek ay kabilang sa listahan ng 10 topmost wanted persons sa lungsod.
Ani P/Lt. Santos, unang nadakip si Ryan Jay Baylon, 31, residente ng Upper Tibagan, Brgy. Gen. T. De Leon, ang no. 1 topmost wanted person sa lungsod.
Si Baylon ay inaresto ng mga operatiba ng WSS at Sub-station-2, sa pangunguna ni P/Lt. Anthony Campado, sa bisa ng arrest warrant para sa kasong murder, alas-11:00 ng gabi at walang inirekomendang piyansa ang korte.
Ilang oras ang nakalipas, nadakip naman ng mga tauhan ng WSS ang pang walong topmost wanted person ng lungsod na si Aaron De Los Reyes, 18, sa kanyang bahay sa Barangay Isla, sa bisa rin ng isang arrest warrant para sa kasong attempted homicide.
Timbog din ang pang limang topmost wanted person ng lungsod na si Alfred V. Rivera, alyas “Pepeng,” 23, at Wilfredo V. Rivera, alyas “Onyo,” 24, ang pang apat naman na topmost wanted person ng lungsod.
Inaresto ang dalawang Rivera ng mga operatiba ng WSS, sa pangunguna ni P/Lt. Santos, at Sub-Station-8, sa pangunguna ni P/Lt. Arnold Sa Juan, sa bisa ng arrest warrants para sa kasong robbery, malapit sa kanilang bahay sa Que Grande St., Barangay Ugong. (FRANCIS SORIANO)
411
