NORTH COTABATO – Apat katao ang napatay habang 116 ang aretado sa isang araw na ikinaang Simultaneous Law Enforcement Operation sa iba’t-ibang mga lugar sa Region 12, iniulat ng pulisya nitong Huwebes.
Sa ulat mula kay P/BGen. Michael John Dubria, regional director ng Police Regional Office -12, sa nasabing law enforcement operation ay nakakumpiska ng 38 sachet ng shabu na tinatayang P283,888.52 ang halaga at P24,000 halaga ng marijuana.
Ang apat na mga suspek na napatay na itinuturing na high value target individual, ayon sa Inter-Agency Drug Information data base, ay sinasabing nanlaban sa mga awtoridad.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 28 iba’t ibang klase ng baril, 409 bala, 12 pampasabog at P6,096 halaga ng pera mula sa pasugalan. (BONG PAULO)
