4 WANTED SA BICOL, NALAMBAT NG PNP-PRO5

BUNGA ng lalong pinalakas at pinalawak na operasyon kontra wanted persons, tatlong regional most wanted persons at isang provincial level most wanted person ang nadakip ng mga pulis ng Bicol sa magkakahiwalay na police operations sa loob at labas ng rehiyon.

Sa pagsisimula ng buwan ng Pebrero ngayong taon, dumayo pa ang mga tauhan ng RIU5 PIT Albay at Daraga MPS sa Batangas upang silbihan ng warrant of arrest ang rank number 9 regional most wanted person (RMWP)ng PRO5.

Kinilala ang suspek na si Wenefredo Arango Mapagdalita, residente ng P-2, Pili Bual, Del Rosario, Sorsogon, umano’y nagkukubli sa Brgy. Benito West, Lipa, Batangas kung saan ito dinampot ng nasabing mga operatiba sa pakikipag-ugnayan sa Lipa City PNP. Ito ay sa bisa ng mandamiento de arresto na ipinalabas ng RTC Branch 9, Legazpi City para sa dalawang bilang ng kasong panggagahasa. Wala namang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing suspek.

Sa kasunod na araw, Pebrero 2, 2022, naaresto naman ang rank number 4 RMWP sa ikinasang manhunt operation ng 1st PMFC Sorsogon PPO, RIU5 at Matnog MPS dakong alas-10:00 ng umaga sa Brgy. Sta.Cruz, Lubao, Pampanga.

Kinilala ang suspek na si Lorico Ajitan y Lubiano, tubong Brgy. Mambajog, Matnog, Sorsogon.

Ang suspek ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng RTC Branch 55, Irosin, Sorsogon para sa kasong tangkang pagpatay na may inirekomendang piyansang P200,000 halaga. Bukod dito nahaharap din ang suspek sa kasong rape na wala namang piyansang inirekomenda.

Nagwakas na rin ang humigit isang dekadang pagtatago ng rank 10 RMWP na si Maximo Azaña y Bonion, residente ng Brgy. Mampirao, San Jose, Camarines Sur nang matunton at mahuli ng pinagsamang mga operatiba ng San Jose MPS, RIU PIT2 Camarines Sur, Camarines Sur CIDG PFU, R7 PRO5, CSPPO Tracker team, PIU CSPPO sa tulong ng Paete MPS.

Dakong alas-5:30 naman ng hapon sa Brgy. Quinale, Paete, Laguna nang nadakip ang nabanggit na suspek na nahaharap sa tatlong bilang ng kasong panghahalay batay sa inilabas na warrant of arrest ng RTC Branch 30 San Jose, San Jose, Camarines Sur noong Nobyembre 25, 2010.

Samantala, nasakote ng Sorsogon CPS ang rank 10 provincial level most wanted person sa kasong rape dakong alas-9:26 ng umaga sa Brgy. Bulabog, West District, Sorsogon City.

Kinilala ang suspek na si Richard Buendia Bejino, residente ng Brgy. Umaliw, Polangui, Albay.

Pinasalamatan at pinuri ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, RD, PRO5 ang mga pulis na nanguna sa operasyon gayundin ang komunidad na nagsilbing tagahatid ng impormasyon sa mga awtoridad na naging dahilan sa pagkakatunton at ‘di kalaunan ay pagkakaaresto ng nasabing mga wanted ng batas.

“Ang pagkakaaresto sa mga ito ay dahil na rin sa mga impormasyon na nakukuha natin sa publiko na siyang mata at tenga ng ating mga kapulisan upang ganap na maisakatuparan ang sinumpaang tungkulin nito. Kaya naman buong puso ang aming pasasalamat sa ating mamamayan na ating kasangga sa pagkamit ng isang mas maayos, ligtas at progresibong komunidad,” ayon kay Estomo. (JESSE KABEL)

435

Related posts

Leave a Comment