40 INDIBIDWAL KINASUHAN SA PASTILLAS SCAM

MAHIGIT 40 indibidwal ang kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na sangkot sa kontrobersyal na Pastillas scam sa Bureau of Immigration (BI).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, iniulat ito ni Atty. Emeterio Dongallo, hepe ng Special Action Unit ng NBI, sa mga senador base sa naging testimonya ng whistle blower na si dating BI officer Jeffrey Dale Ignacio.

Ayon pa kay Dongallo, nagpakita ng mga ebidensya si Ignacio para idiin ang ilang mga dati at kasalukuyang opisyales at tauhan ng BI na sangkot sa kurapsyon dahil sa Pastillas scam.

Inamin ni Ignacio na sangkot din ito sa nasabing anomalya kung saan aabot sa P5,000 hanggang P20,000 ang kinikita ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nagbanta naman si Senador Christopher Lawrence Go na papatawan ng mabigat na parusa ang mga tiwaling tauhan ng BI na sangkot sa Pastillas scam.

“Sa mga sangkot diyan sa anomalya sa Bureau of Immigration (BI), huwag niyong hintayin na ipakain sa inyo ‘yang pera, ‘yang pastillas, na kinotong ninyo,” galit na pahayag ni Go.

Samantala, nanindigan si Mon Tulfo, dating columnist, na si dating Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre ang ‘godfather’ ng ‘pastillas’ corruption scheme sa BI.

Giit ni Tulfo, si Aguirre ang naglabas ng memorandum circular na nagbabawal sa BI Commissioner na magpatupad ng balasahan sa ahensya upang makapagtalaga ito ng tauhan sa NAIA. (NOEL ABUEL)

154

Related posts

Leave a Comment