40 PAMILYA NASUNUGAN SA BINONDO

HALOS isang buwan mahigit bago sumapit ang Pasko, minalas na nawalan ng tirahan ang 40 pamilya makaraang tupukin ng apoy ang kanilang bahay sa Binondo, Manila.

Umaga nitong Miyerkoles, Nobyembre 4, nang sumiklab ang sunog sa tatlong palapag na bahay na pag-aari ng isang Richard Matuginas at sa bahay na inuupahan ni April Matuginas Rafael sa Valderama St., Binondo.

Ayon sa ulat Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog bandang alas-8:29 ng umaga na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire-out dakong alas-9:09 ng umaga.

Ayon kay Fire Insp. Gaudencio Magallanes Jr., umabot sa 20 bahay ang nadamay sa nasabing sunog.

Walang iniulat na nasawi o nasaktan sa insidente na patuloy na iniimbestigahan upang mabatid kung ano ang naging sanhi.

Magugunitang tinupok din ng apoy noong Lunes ang mga kabahayan sa Road 12 sa NDC Compound sa Anonas St., Sta. Mesa.

Umabot sa 500 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog.

Agad namang nagtungo si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Miyerkoles, sa lugar ng mga nasunugan upang magbigay ng tulong. (RENE CRISOSTOMO)

186

Related posts

Leave a Comment