NAKAKULONG ngayon sa selda ng Bureau of Immigration (BI) ang 48 Chinese national dahil sa huwad na kalagayan ng kanilang pagtatrabaho sa Sarangani.
Ikinulong ang 48 Chinese sa pangunguna ng isang “Guiang Xiao” batay sa utos ni Commissioner Jaime Morente.
Katulong ng BI sa pag-aresto sa mga dayuhan ang pulisya ng Sarangani na pinamumunuan ni Major Herman Luna.
Ayon kay Luna, dinakip ang mga dayuhang nagtatrabaho sa isang pagawaan ng bakal, dahil sa posibleng paglabag sa Seksyon 45 ng Philippine Immigration Act of 1945.
Ang pagkakahuli sa 48 Chinese ay ebidensiyang nagpapatunay na nakapapasok pa rin ang mga Chinese sa bansa hanggang sa kasalukuyan kahit kwestyonable ang hawak nilang mga papeles.
Matatandaang napatunayan sa Senado noong 2020 na pinagkakakitaan ng mga korap sa BI na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ng P10,000 kada isang dayuhan ang mga walang legal na papeles, kabilang na ang visa upon arrival (VUA) kapag pumasok sa bansa.
Ang mga korap sa BI-NAIA ay kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman (OMB). (NELSON S. BADILLA)
159
