5-DAY WELLNESS LEAVE SA GOV’T EMPLOYEES APRUBADO SA CSC

MAGKAKAROON ng karagdagang bakasyon ang lahat ng empleyado ng gobyerno matapos aprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang limang araw na Wellness Leave, alinsunod sa Republic Act 11036 o Mental Health Act.

Isinapubliko kahapon ang CSC Resolution No. 2501292 na nagsasaad ng mga probisyon sa Joint Administrative Order No. 2023-000 ng Department of Labor and Employment at Department of Health na naglalayong isulong ang mental health sa mga lugar ng trabaho.

Ayon sa komisyon, tugon ito sa 2025 Global Workplace Report na nagpapakita na kabilang ang mga Pilipino sa may pinakamataas na antas ng stress sa Southeast Asia, dahilan umano ng unhealthy lifestyles at mabibigat na workload.

“The Wellness Leave is a proactive response to the realities faced by our workforce today. By giving employees the space to rest, recover, and care for themselves, we reinforce a public service environment that is compassionate, resilient, and more responsive to the needs of the Filipino people,” ayon kay CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap.

Batay sa patakaran, maaaring gamitin ng empleyado ang hanggang tatlong araw nang sunod-sunod, habang ang natitirang araw ay maaaring ilaan sa ibang petsa basta nasa loob ng isang taon.

Hindi mababayaran ang hindi nagamit na Wellness Leave at kinakailangang patunayan na ito ay ginamit para sa mental health care o wellness activities. Dapat ding magpaalam nang hindi bababa sa limang araw bago gamitin ang benepisyo.

Dagdag ni Barua-Yap, layunin ng polisiya na palakasin ang kalusugang pangkaisipan ng mga manggagawa sa gobyerno at tiyakin na mas mataas ang morale, mas matatag na workforce, at mas mahusay na pagbibigay-serbisyo sa publiko.

(BERNARD TAGUINOD)

85

Related posts

Leave a Comment