LIMANG magkakamag-anak ang namatay habang lima naman ang sugatan makaraang sumiklab ang sunog sa Parola Compound, Tondo, Manila noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga namatay na sina Jake Loyola, 37, may-ari ng bahay; at kanyang mga anak na sina Noah Loyola, 3, at Kiefer Loyola, 8; at sina Richard Tigas, 10, at Jeric Tigas, 12.
Sugatan naman sa insidente sina Cyrus Frank, 9; Sonny Boy Jovita, 23; Rea Adriatico, 37; Rodulfo Cadigal Jr., 44, at Marbin V. Alperes, 45, pawang dumanas ng 2nd degree burns.
Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-11:00 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay na pagmamay-ari ni Jake Loyola, sa Gate 20 ng Parola Compound sa Tondo.
Yari lamang sa light materials ang mga kabahayan kaya mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang tinatayang 300 kabahayan na nagresulta upang mawalan ng tirahan ang mahigit 600 pamilya.
Umabot sa ika-4 na alarma ang sunog bandang alas-1:49 ng madaling araw at idineklarang fire under control bandang alas-5:04 ng madaling araw.
Ayon sa report ng BFP, nahirapan ang mga pamatay-sunog na maapula ang apoy dahil sa makikitid na eskinitang papasok sa lugar at malakas na ihip na hangin naging dahilan nang mabilis na paglagablab at pagkalat ng apoy sa mga katabing kabahayan.
Napag-alaman sa ulat, nakulong sa loob ng nasusunog nilang bahay ang mga biktima na mga bangkay na nang matagpuan sa loob ng kanilang banyo.
Napaulat din na may mga residente na nang-agaw ng hose mula sa mga bumbero upang masigurong unang mabobombahan ng tubig ang kanilang bahay.
Napilitan din ang ilang bumbero na lumabas muna ng compound matapos na magkagulo at mapaulat na may mga residente pang nanaksak ng isang fire volunteer.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog dakong alas-1:49 ng madaling araw bago naideklarang under control dakong 5:04 ng madaling araw.
Tuluyan itong naapula pagsapit ng alas-6:11 ng umaga matapos ang anim na oras na paglalagablab.
Pansamantalang nanunuluyan sa Manila International Container Terminal (MICT) ang mga pamilyang nawalan ng tirahan
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Arson Division ng BFP upang mabatid kung posibleng faulty electrical wiring ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa tinatayang aabot sa P3 milyong halaga ng mga ari-arian. (RENE CRISOSTOMO)
235
