MAGUINDANAO – Bunsod nang walang humpay na operasyon ng mga sundalo laban sa ekstremistang grupo, nagbalik-loob sa pamahalaan ang anim na mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at isinuko ang kanilang mga armas sa headquarters ng 6th Infantry (Redskin) Battalion sa Barangay Buayan, Datu Piang sa lalawigang ito, noong Lunes.
Ang sumukong dating mga rebelde ay iprinesenta ni Datu Salibo Municipal Mayor Solaiman Sandigan kina Colonel Pedro Balisi, commander ng 1st Mechanized Brigade, at Lieutenant Colonel Charlie Banaag, commander ng 6th Infantry Battalion.
Isinuko ng mga ito ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng dalawang M16 A1 rifles, isang M14 rifle, tatlong caliber .30 Garand rifles, at iba’t ibang mga bala at magazine ng iba’t ibang kalibre ng baril.
Samantala, patuloy ang panawagan ni Major General Juvymax Uy, commander ng JTF Central at 6th Infantry Division, sa nalalabi pang mga miyembro ng BIFF/Dawlah Islamiyah na sumuko na sa pamahalaan para magkaroon ng mapayapang pamumuhay.
“The JTF Central along with the local governments of Central Mindanao are willing to accept you back to the folds of the law,” pahayag ni Maj. Gen. Uy. (BONG PAULO)
