MAGANDANG balita para sa persons with disabilities at sa solo parents sa Maynila, simula sa Martes, Hunyo 22, ibibigay na ang anim na buwang allowance ng mga ito.
Nilagdaan na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang payroll para sa nasabing mga benepisaryo, sa tulong ni Re Fugoso, hepe ng city’s social welfare department.
Ayon sa alkalde, ang budget na inilaan sa solo parents at PWDs ay P3,000 bawat isa. Ito ay sumasakop sa P500 monthly allowance na mula Enero hanggang Hunyo 2021.
Napag-alaman naman mula kay Fugoso, may 5,159 solo parents at 21,773 PWDs sa buong lungsod ng Maynila.
Sinabi nito na ang budget na kailangan para sa solo parents ay umabot sa P15.477 million at P65.3 million naman sa PWDs.
Sa inisyatibo ng alkalde at sa buong suporta ng Konseho ng Maynila, ang pamahalaang lungsod ay naglatag noong taong 2019 ng social amelioration package na magbibigay ng buwanang cash allowance sa senior citizens, PWDs at solo parents, gayundin sa mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at ng Universidad de Manila.
Ang nasabing benepisyo ay nakasaad sa Manila City Ordinances number 8564 at 8565 na ipinasa ng Manila City Council sa ilalim nina Vice Mayor at Presiding Officer Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua at miyembro ng majority bloc.
Ang nasabing ordinansa ay ipinasa sa inisyatibo ni Moreno bilang bahagi ng social amelioration stimulus package ng lokal na pamahalaan para sa qualified and deserving Manileños. (RENE CRISOSTOMO)
167
