6 DRUG SUSPECTS TIKLO SA VALENZUELA

BAGSAK sa kulungan ang anim na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos matimbog sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Christopher Quiao, dakong alas-3:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ramchrisen Haveria Jr., ng buy-bust operation sa #36 Batimana St., Brgy. Marulas.

Agad sinunggaban ng mga operatiba si Jonathan Ebacuado alyas “Ethan,” 29, matapos bentahan ng P500 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police na nagpanggap na buyer.

Kasama ring inaresto ng mga operatiba sina Rolando Timan, 46, tricycle driver, at Ericson Aguvida, 32, makaraang makumpiskahan ng tig-isang sachet ng umano’y shabu.

Umabot lahat sa 5 grams ng hinihinalahg shabu na tinatayang P34,000 ang halaga, ang nakumpiska sa mga suspek.

Nauna rito, alas-12:00 ng madaling araw nang masunggaban din ng kabilang team ng SDEU sina Jephril Alba, 43; Romulo Deleon, 33, at John Christopher Angulo, 32, sa isinagawang buy-bust operation sa #384 S. De Guzman St., Brgy. Parada.

Ayon kay SDEU investigator, P/SMS. Fortunato Candido, nakumpiska sa mga suspek ang 10 grams ng hinihinalang shabu na tinatayang P68,000 ang halaga. (FRANCIS SORIANO)

132

Related posts

Leave a Comment