CAVITE – Hindi umubra ang modus operandi ng anim na hinihinalang miyembro ng salisi gang matapos maaresto nang maplakahan ang isang Toyota Vios na ginamit nila sa pagtakas sa Imus City noong Huwebes ng hapon.
Hawak na ng Imus Component City Police Station ang mga suspek na sina alyas “Roy”, 52; “Rey Bakla”, 52; “John Rey”, 32; “Bukol”, 34; “Beng”, 28, at “Weng”, 46.
Ayon sa ulat, abala ang biktimang si alyas “Nestor” sa kanyang tindahan nang dumating ang mga suspek bandang alas-3:20 ng hapon at nagpanggap na mga customer.
Ang tatlong suspek ay kunwaring nakikipag kwentuhan sa biktima habang ang isa sa kanila ay sumalisi na sa tindahan at tinangay ang isang pouch na naglalaman ng P5,000 na kita ng tindahan, habang ang dalawa ay tinangay rin ang anim na botelya ng Centrum multivitamins at isang box na Neurobion at sabay-sabay na umalis saka sumakay sa isang gray na Toyota Vios na may plakang NPO 884.
Ngunit lingid sa kanila, naplakahan ang kanilang sasakyan kaya nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya.
Naabutan ng mga awtoridad ang mga suspek sa Aguinaldo Highway, Brgy. Palico IV, Imus City, Cavite at narekober sa loob ng sasakyan ang anim na botelya ng Centrum multivitamins at isang box ng Neurobion pack. (SIGFRED ADSUARA)
257
