SINAMPAHAN ng pangalawang punong lungsod ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman, ang pitong city councilors sa Lungsod ng Malolos, ng kasong gross neglect of duty kaugnay ng umano’y sunod-sunod na pagliban sa sesyon ng Sangguniang Panglungsod sa nakalipas na mga pagdaraos ng karaniwang pagpupulong.
Ang kasong administratibo ay pormal na isinampa noong Huwebes ni Vice Mayor Noel Pineda laban sa pitong city councilors na sina Nino Carlo Bautista, Francisco Castro, Kirk Louis Nicolas, Enrico Capule, Edgardo Domingo, Miguel Carlos Soto at Dionisio Mendoza.
Ayon kay Pineda, ang pagsasampa ng kasong administratibo o gross neglect of duty ay nag-ugat matapos ang aniya’y sunod-sunod na pagliban ng nabanggit na mga konsehal sa karaniwang pagpupulong o sesyon sa Sangguniang Panglungsod ng Malolos.
Ikinalungkot ng pangalawang punong lungsod at taga-pangulo ng Sangguniang Panglungsod, ang pagsampa ng kasong administratibo ngunit nakasalalay aniya rito at kailangang unahin ang kapakanan at ang pangangailangan ng taumbayan, kung hindi mareresolbahan ang kinahaharap na suliranin sa loob ng legislative office.
Sa isinagawang press briefing sa mga lokal na mamamahayag, sinabi ni Pineda na simula sa ika-81 hanggang ika-84 na regular session ay hindi nagkaroon ng korum o opisyal na pagpupulong dahil sa hindi pagdalo ng pitong konsehal.
Aniya, dahil sa kawalan ng korum ay nabibinbin ang ilang mahalagang gampanin ng Sangguniang Panglungsod katulad ng mga certified urgent ng taumbayan, mga budget na nakabinbin sa mga barangay, mga pondo at proyekto ng Sangguniang Kabataan (SK) na hindi naa-aaprubahan.
“Mahalaga po na magkaroon ng aksyon ang inyong lingkod sa mga bagay na ito, nakakalungkot man gawin ay hinihingi ng pagkakataon at ng aking tungkulin na maibalik ang kaayusan para sa pagpupulong at karaniwang pagdaraos ng regular session ng SP,” ayon kay Pineda.
Aniya pa, napilitan siyang kasuhan ang pitong konsehal upang matigil na ang pag-absent nang walang proper notice at walang tamang paliwanag at mahalagang makabalik na ang mga kasangguni sa kanilang tungkulin para magampanan at maharap ang pangangailangan ng taumbayan.
Ayon pa kay Pineda, ang usaping ito ay isasangguni niya sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang magamit ang kapangyarihan na sila ay ipasundo sa mga pulis, ayon sa nakasaad sa Local Government Code, para manumbalik ang kaayusan ng pagpupulong. (ELOISA SILVERIO)
295
