755 HPG ENFORCERS, IPINAKALAT SA SEMANA SANTA

NAG-DEPLOY ang Philippine National Police Highway Patrol Group ng 755 enforcers para tiyakin ang kaligtasan sa mga lansangan ngayong Semana Santa.

Sa panayam sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, sinabi ni HPG spokesperson Lt. Nodame Malang na ang mga tauhan ay binubuo ng 92 team na ikakalat sa 18 rehiyon sa buong bansa, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Kuwaresma at summer vacation.

Ayon kay Malang, iniutos ni HPG Director Brig. Gen. Rommel Batangan ang night deployment upang matiyak ang maayos at mapayapang paggunita ng Semana Santa.

Nagsagawa na rin ng inspeksyon si Brig. Gen. Batangan sa mga bus terminal sa San Fernando, Pampanga bilang bahagi ng seguridad, at inaasahang susunod ang mga terminal sa Metro Manila sa mga darating na araw.

Nauna nang nagdeklara ang Philippine National Police ng heightened alert status simula Linggo, kung saan mahigit 59,000 pulis at force multipliers ang ipinakalat bago ang Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Samantala, inaasahang mas magaan ang daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway at Subic Clark Tarlac Expressway ngayong Semana Santa dahil sa mataas na presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Robin Ignacio, assistant vice-president ng NLEX Corp., bumaba ang volume ng sasakyan sa NLEX at SCTEX mula sa karaniwang 350,000 at 80,000 kada araw simula Marso.

Gayunman, inaasahang tataas pa rin ng hanggang 3 porsyento ang traffic volume kumpara sa karaniwang bilang ngayong Semana Santa, bagamat mas mababa kaysa sa nakaraang taon.

(JESSE RUIZ)

58

Related posts

Leave a Comment