MAGUINDANAO DEL SUR – Walong kasapi ng local terrorist group ang nadakip ng mga elemento ng Philippine Army at ilang gamit pandigma ang nasamsam kasunod ng matagumpay na operasyon sa bayan ng Shariff Aguak sa lalawigan noong madaling araw ng Oktubre 20, 2025.
Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, nagsagawa ng Decisive Military Operation (DMO) ang pinagsamang pwersa ng militar sa ilalim ng operational control ng 601st Brigade, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa presensiya ng pinaghihinalaang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters – Bungos Faction (BIFF-BF) at Daulah Islamiyah – Hassan Group (DI-HG) sa nasabing lugar.
Sa naturang operasyon, walong indibidwal ang naaresto habang nakumpiska ang isang M16A1 rifle, 11 magasin, at 200 bala ng 5.56mm.
Kabilang din sa mga nasamsam ang ilang cellphones na posibleng ginagamit sa koordinasyon ng mga aktibidad ng grupo.
Agad isinailalim sa masusing imbestigasyon at custodial debriefing ang naarestong mga suspek sa koordinasyon ng Datu Unsay Municipal Police Station (MPS) para sa kaukulang disposisyon.
(JESSE RUIZ)
