UMABOT sa 821 pamilya ang inilikas ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at pagtaas ng tubig-baha sa lungsod dulot ng masamang panahon.
Sa pahayag ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, karamihan sa inilikas na mga pamilya ay inabot ng tubig-baha ang loob ng kanilang bahay.
Nasa 2,823 na indibidwal ang nananatili sa evacuation centers tulad ng sports complex, barangay hall, pampublikong paaralan, multi-purpose hall, at covered court.
Karamihan sa inilikas ay mga nakatira sa gilid ng estero at Ilog Pasig, malapit sa Manila Bay at mga lugar na binabaha tuwing malakas ang buhos ang ulan.
Patuloy naman ang monitoring at pag-iikot ng mga tauhan ng MDSW upang malaman ang sitwasyon ng mga residente at agad na matulungan kung kinakailangan
Namahagi na rin ng mga pagkain, inumin at iba pang pangangailangan ang Manila LGU para sa mga residente nila na nananatili sa evacuation centers. (JOCELYN DOMENDEN)
