9-ANYOS TOTOY MALUBA SA RESBAK SA AWAY-BATA

NASA malubhang kalagayan ang 9-anyos na batang lalaki matapos barilin ng isa sa tatlong suspek bilang ganti sa ginawa umanong pagbugbog ng biktima sa kapwa bata sa Navotas City.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center ang biktimang si alyas “Angelo”, residente ng Market 3, Brgy. NBBN, matapos isailalim sa operasyon sa tama ng bala sa dibdib na tumagos sa likod.

Naaresto naman sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Navotas City Police Station ang hinihinalang gunman na si alyas “Aljhun”, 31, ng Brgy. NBBS Proper, habang hinahanap pa ang dalawa niyang kasabwat na sina alyas “JB” at “Albert”, kapwa residente rin ng nasabing lugar.

Ayon kay Col. Cortes, nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa Palengke Avenue, Market 3, Brgy. NBBN nang resbakan ng mga suspek ang biktima sa ginawa umanong pagbugbog sa isa ring batang lalaki na si alyas “JR”.

Nagsumbong umano si JR kay Aljhun sa ginawa sa kanyang paggulpi ng biktima kaya inangkas nito sa motorsiklo ang menor de edad upang hanapin si Angelo, kasama ang dalawa pang magka-angkas din sa motorsiklo na sina JB at Albert.

Natiyempuhan ng mga suspek ang biktima na naglalakad sa Palengke Avenue matapos ituro ni JR kaya agad itong kinompronta ni Aljhun bago binaril ng isang beses sa dibdib, gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril. (MARDE INFANTE)

9

Related posts

Leave a Comment