DAVAO City – Umalma ang siyam na mga lumabag sa curfew hours sa Sitio San Antonio, Brgy. Agdao nitong lungsod matapos silang palangoyin sa isang maruming kanal noong Lunes ng gabi, Hunyo 1.
Naging emosyonal sina Zosimo Uyanguren at Eric Enguillo sa panayam ng media, dahil sobra umano ang parusa sa mga pulis na nakahuli sa kanila.
Hindi rin matanggap ng single father na si Frederick Matias ang ginawa sa kanila ng mga awtoridad kahit aminadong lumabag sila sa curfew hours dahil sobra umano ang ginawang parusa sa kanilang kasalanan.
Umiiyak na ibunyag ni Matias na kahit maliit ang kita, napipilitan siyang mamasahero dahil sa binubuhay na anak.
Napag-alaman, ilang lalaking kasali sa lumangoy ng may 15 metros ang nawalan ng malay dahil sa napakaruming tubig ng kanal.
Ayon sa nahuling si Jay Lloyd Purisima, tanggap niya ang pagkahuli ngunit hindi dapat na ang paglangoy sa maruming kanal ang gagawing parusa sa kanila ng mga awtoridad at mga kagawad ng barangay.
“Aaminin ko kasalanan namin, kahit mabilanggo kami ng ilang buwan tanggap naming ‘yan, ang ‘di ko matanggap ay ‘yung lalangoy kami sa maruming kanal. Inabisohan nila kami na mag-facemask sa paglabas tapos palangoyin kami sa maruming kanal na mas matindi pa sa COVID-19,” ayon sa binata.
Ang pangyayari ay nakunan din ng video ng isang netizen at matapos mai-upload sa social media ay nag-viral online kung saan makikita ang naka-unipormeng pulis at ilang mga opisyal ng barangay na nanonood lang sa insidente at wala pang inilabas na pahayag.
Kung ang Purok leader na si Lisa Paglinawan ang tatanungin, tama lamang daw ang ginawa ng mga awtoridad upang matakot na ang mga residente na lumabag sa curfew hours.
“Kahit anong roving ang gagawin namin at sila’y pagsabihan, ‘di pa rin makaintindi,” ayon kay Paglinawan.
Ngunit si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nakaalam na sa insidente ay sinaway ang pangyayari.
“Humane ba ang ipa-swimming ang isang tao? Palangoyin ang isang tao sa kanal? No. It’s not humane. What is humane is dapat pinaglinis sila sa kanal,” ayon sa alkalde.
Agad namang pinaimbistigahan ng Davao City Police Office (DCPO) ang insidente.
Sinabi ni Captain Rose Aguilar, tagapagsalita ng DCPO, inaalam na nila kung sino ang mga personahe na nasa likod ng ginawang parusa. (DONDON DINOY)
