9 KORPORASYON,15 NEGOSYANTE KINASUHAN NG TAX EVASION

SIYAM na korporasyon ang sinampahan ng mga kasong kriminal ng Bureau of Internal Revenue-Makati (BIR-Makati) sa Department of Justice (DOJ) dahil sa hindi pagbabayad ng buwis na umabot sa P543,647,808.96 ang halaga.

Dahil sa sobrang tagal ng mga atraso sa BIR, bukod sa prinsipal na hindi nabayaran, o kulang sa ibinayad na buwis, kasama rin ang increments sa P543,647,808.96.

Sa paghahablang ito ng BIR, umabot sa kabuuang 806 ang naisampa ng ahensya na mga kasong may kinalaman sa hindi pagbabayad ng tamang buwis, o hindi pagbabayad ng buwis, ng mga korporasyon at mga namamahala rito simula nang ilunsad ang programang Run After Tax Evaders (RATE) mula nang maging komisyoner ng BIR si Caesar Dulay noong 2016.

Ang mga kasong isinampa ng BIR sa DOJ mula 2016 na pasok sa RATE, ay kinabibilangan ng milyun-milyong halaga ng buwis na hindi binayaran ng mga kumpanya at mga namumuno rito.

Ayon sa BIR, nilabag ng siyam na korporasyon at mga namamahala rito ang Seksiyon 255 na may kaugnayan sa Seksiyon 253 at 256 ng Tax Code of the Philippines.

Ang inihabla ng BIR-Makati, o BIR-Region No. 8A, sa DOJ ay ang PHILAB Industries Inc. (PHILAB Industries) at ang pangulo nito na si Jose Paolo Cagalingan at tesurero nito na si Sylvia Navasero.

Sa 7487 Bagtikan Street sa Barangay San Antonio, Lungsod ng Makati matatagpuan ang tanggapan ng PHILAB Industries.

Ayon sa BIR-Makati, dalawang kaso ang isinampa nito laban sa PHILAB Industries at mga namamahala rito.

Ang una ay tungkol sa hindi nabayarang buwis para sa buong 2014 na umabot sa P113,466,811.33.

Ang ikalawang kaso ay sumasakop sa buong 2015 na P102,378,912.42 ang hindi nabayarang buwis, ayon sa BIR-Makati.

Ang ikalawang kumpanya na kinasuhan ng BIR-Makati ay ang Simpao Automotive Parts and Services, Co. Inc. (Simpao Automotive Parts), ang pangulo nito na si Marcelino Simpao, Sr. at ang tesurerong si Concholita Simpao.

Ang Simpao Automotive Parts Industries na matatagpuan sa 2647 A. Bonifacio Street sa Barangay Bangkal, Makati City at sina Sampao ay umabot sa kabuuang P27,204,298.22 ang hindi nabayarang buwis sa BIR-Makati para sa buong 2008.

Ang ENVENT 2 Incorporated (ENVENT 2) at presidente nito na si Ricardo Benitez at ingat-yaman nito na si Leonila Marcelo ang ikatlong inihabla ng BIR-Makati sa DOJ.

Umabot sa P3,670,290.63 ang atraso ng ENVENT 2 at nina Benitez at Marcelo sa BIR-Makati na saklaw ng buong 2006.

Sa unang palapag ng MRDCF Building sa 85 Sen. Gil Puyat Avenue sa Barangay Palanan, Makati ang tanggapan ng ENVENT 2.

Ikaapat naman ang Adformatix, Inc. (Adformatix) at pangulo nitong si Laine Vergara at ingat-yaman na si Nestor Reantaso ang sinampahan ng kaso.

Ayon sa BIR-Makati, ang buwis na hindi nabayaran para sa 2010, kasama ang increment, na umabot sa kabuuang P215,885,885.26, ang dahilan kung bakit inihabla ang Adformatix at mga opisyal nitong sina Vergara at Reantaso.

Matatagpuan ang Adformatix sa 4/F Republic Glass Building sa 196 Salcedo Street sa Barangay Legaspi, Makati City.

Ikaanim sa kinasuhan ay ang ONECOM Resources Incorporated (ONECOM Resources) at pangulo nitong si Ma. Theresa Hansen at chairman of the board na si Fleming Hansen.

Ang atraso ng ONECOM at nina Hansen sa batas sa buwis sa bansa noong 2012 pa ang batayan ng paghahain ng BIR-Makati laban sa kanila. Umabot ito sa kabuuang P40,456,893.64.

Matatagpuan ang ONECOM sa Unit 303 Aralco Building, 820 J.P. Rizal Street sa Barangay Poblacion, Makati City.

Ang Hans Food Corporation (Hans Food) ikapito sa inihabla ng BIR-Makati.

Kasama rito ang pangulo ng Hans Food na si Willy Ching at tesurerong si Elizabeth Ching.

Pumalo sa P2,848,022.81 ang hindi nabayarang buwis ng Hans Food at ng mga Ching. Ngunit noong 2006 pa ito hindi nabayaran, batay sa BIR-Makati. Nakapuwesto ang Hans Foods sa 17 EDSA-Guadalupe.

Ang Gold Barrel Social Club Resort Capital Inc. (Gold Barrel) at pangulo nito na si Manuel Copon at ingat-yaman na si Jaime Munez ang inihabla ng BIR-Makati dahil sa P8,221,002.03 hindi nabayarang buwis para sa buong 2013.

Nakapuwesto ang Gold Barrel sa Unit 28-D Ayala Life FGU Center sa Ayala Avenue.

Ang ikasiyam at panghuling inihabla ay ang FCB Manila Inc. (FCB Manila) at pangulo at chief operating officer nitong si Anna Patricia Romualdez.

Eksaktong P29,515,692.62 buwis at increments ang atraso ng FCB Manila at ni Romualdez, sa BIR-Makati para sa 2015.

Matatagpuan ang FCB Manila sa 4th Floor JAKA Building sa Ayala Avenue.

Inilinaw ng BIR-Makati na bago sampahan ang siyam na kumpanya at mga opisyal ay pinadlahan sila ng “Letters of Authority (LOA), Requests for Presentation of Records, Preliminary Assessment Notices (PAN), Formal Assessment Notices (FAN) / Formal Letters of Demand (FLD) with Details of Discrepancies, and Final Decision on Disputed Assessments (FDDA) with Details of Discrepancies but failed to either pay or protest and submit relevant supporting documents to either substantiate their claims or to refute said assessments or to file an appeal with the Court of Tax Appeals (CTA), hence making the said assessments final, executory, and demandable”.

Binigyan din sila ng “Preliminary Collection Letters (PCL) and Final Notices Before Seizure (FNBS) that proved futile as the afore-cited assessments remained unpaid,” paliwanag ng BIR sa kalatas nito.

Kahit “Warrants of Distraint and/or Levy (WDL) and Garnishment (WG)” ang inisyu at ibinigay sa kanila, subalit walang “properties which may be distrained or levied and no bank accounts which may be garnished” ang mga nabanggit na kumpanya at taxpayers, patuloy ng BIR.

Wala ring resulta kahit ang “demands before suit” (DBS) sa kanila, paglilinaw ng BIR.

Nabigo ang lahat ng aksiyon ng BIR sa siyam na mga kumpanya at mga opisyal nito, kaya naobligang maghain na ng mga kasong kriminal ang sangay nito sa Makati.

Kumbinsido ang naturang sangay na pinamamahalaan ni Maridur Rosario, na napakalakas ng mga ebidesniya laban sa kanilang inihabla, kaya naniniwala ang BIR-Makati na mananalo ang kanilang mga kaso na nakasampa sa DOJ. (NELSON S. BADILLA)

268

Related posts

Leave a Comment