Dahil ang Kuwait ay napakalayo sa ating bansa, kung kaya halos hindi natin nababalitaan ang mga kaganapan dun, maliban na lamang sa mga lumalabas sa social media.
Kamakailan ay ipinarating sa atin ng ilang mga kaibigan sa Filipino community at pati na rin ng mga nasa industriya ng recruitment ang mga kaganapan sa Philippine Embassy sa Kuwait at sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Wala tayong kamalay-malay dito sa Pilipinas na nagkakagulo na pala at nag-aaway ang ating mga “Honorable” officials doon dahil diumano sa kitaan ng kanilang raket. Ayon sa ating mga kaibigan ay hindi raw magkasundo ang mga opisyales ng Philippine Embassy at POLO na humahantong na sa pagmumurahan kahit na may kaharap na mga tao sa loob mismo ng lobby ng POLO at ng embahada.
Ayon sa sumbong ng isang opisyal ng ating POLO, ay nagmula raw diumano ang hindi pagkakaunawaan ng dahil sa pera na kita mula sa mga ahensya. Diumano, may isang tauhan na itago natin sa pangalan na “MR. C” ang isang mataas na “Honorable Official” na konektado sa isang malaking ahensya.
Si “MR. C” ay dati nang na-involve ang pangalan sa isang anomalya kung kaya ito ay pinaalis ng POLO, pero nung nagbalik sa katungkulan si “Honorable Official” ay ibinalik muli ito na siya ngayong nagsisilbing diumano na “Bagman” ni “Honorable Official”. Ayon kay POLO Official ay may inilalapit na mga Job Orders si “MR. C” na mula sa mga malalaking ahensya, ngunit dahil kwestiyonable ang mga dokumento kung kaya hindi ito inaprubahan ng POLO na ikinagalit naman ng handler ni “Mr. C”. Dahil dito, ang ginawa ni “Honorable Official” ay inuudyukan niya ang ilang malapit na Agency Secretaries na bigyan ng problema o ireklamo ang opisyal ng POLO para mapa-recall niya at mapalitan ng kabagang o mga pwede niyang maging tuta.
Divide and Conquer ang estratehiya ni “Honorable Official” at nagawa niyang pag-awayin ang mga opisyales ng POLO at OWWA na naging dahilan naman para ma-recall ang OWWA Welfare officer doon upang palabasin na magulo ang pamamalakad ng POLO upang sa gayun ay magkaroon siya ng dahilan para ipa-recall ang mga opisyales.
Matapos nga na marecall ang OWWA Welfare officer sa Kuwait, ay agad namang lumipad patungo sa Pilipinas ang isang opisyal ng embahada para diumano hilingin at masiguro na mapapa-recall o mapapatalsik ang opisyal ng POLO. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
143