Filipino workers nabihag ng grupong Hamas?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAPUNA natin sa lumabas na balita na kasama raw sa binihag ng grupong Hamas na pumasok sa dalawang bayan na sakop ng Israel noong Sabado ng umaga, ang mga manggagawa mula sa Thailand at Pilipinas.

Ayon sa ulat na lumabas sa Israeli TV, kasama sa binihag ng grupong Hamas ay mga indibidwal na mula sa Thailand at Pilipinas.

Nauna rito, noong Sabado ng umaga ay sinira ng grupong Hamas sa pamamagitan ng bulldozer, ang bakod ng boundary ng Israel at Gaza, pinasok nila ito at binihag ang mga sibilyan at ilang sundalo ng Israel.

Ang pagpasok ng Hamas ay nag-iwan ng mga patay sa kalye, wasak na mga ari-arian at sinunog na mga sasakyan sa nabanggit na mga lugar.

Sinabi ng ilang mga opisyal ng Amerika na pumalpak ang intelligence ng Israel na naging dahilan kaya nakapasok ang grupong Hamas sa teritoryo nila.

Naniniwala rin ang ilang mga opisyal nila, na may kinalaman ang Iran at Hezbollah militant group sa pag-atake sa dalawang bayan sa Israel.

Ang sigalot ay muling magdudulot ng kahirapan sa mundo na muling makakaapekto sa mahihirap na mga bansa tulad ng Pilipinas partikular sa usapin sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Hindi pa man nareresolba ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine ay muli na namang sumiklab ang matagal nang awayan sa pagitan ng bansang Israel at Gaza Strip.

Ayon sa atin natanggap na impormasyon, mahigit sa 30K Pilipino ang nagtatrabaho sa Israel at mayroon ding ilang Pinoy workers sa Gaza.

Kung magpapatuloy ang sigalot ng dalawang panig ay maraming OFWs ang maaapektuhan dahil mawawalan sila ng kani-kanilang mga trabaho at mapipilitan silang umuwi dito sa ating bansa.

Kaya nganga ang kani-kanilang pamilya ‘pag nagkataon na mapauwi sila sa Pilipinas.

Maganda pa man din ang mga benepisyong ibinibigay ng bansang Israel sa OFWs.

Balik po tayo sa usapin ng binihag daw na Filipino workers ng grupong Hamas, itinanggi ito ni OWWA administrator Arnel Ignacio.

Wala raw siyang natanggap na ulat na may binihag na Pinoy workers ang grupong Hamas.

Sana nga wala, kasi kung may binihag ay malaking problema ng Philippine government ‘yan.

‘Pag nagkataon na may binihag na Pinoy workers

ang Hamas ay nanganganib ang kanilang mga buhay.

Kaya dapat kumilos agad ang Department of Foreign Affairs at iba pang mga opisina ng gobyerno para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

195

Related posts

Leave a Comment