ANOMALYA SA LEGAL ASSISTANCE FUND NG EMBAHADA SA KUWAIT (PART 2)

BANTAY OFW

Hindi na ako nagulat sa sumbong na ito ng ating mga kaibigan sa FILCOM at sa secreta­ries ng ahensya dahil ako mismo ay may personal na natunghayan sa mga anomalya ng mga taga-Philippine Embassy sa Kuwait. Ito ay nagmula noong nagdeklara ng deployment ban ang ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Nang dahil sa deployment ban ay nagtungo ang i­lang opisyales ng Department of Foreign Affairs (DFA) para magbigay ng assistance para sa mga uuwi ng Pilipinas. Ilan sa mga opisyales ng DFA ay gumawa pa ng isang video nang pagre-rescue na alam naman nilang mahigpit na ipinagbabawal sa Kuwait.

Nang dahil sa rescue video ay kinasuhan ang tatlong opisyales kabilang ang 29 na mga OFW ng kasong kidnapping.  Bagama’t wala akong kinalaman sa pagre-rescue na nasa video ay isinama ang aking pangalan sa mga kinasuhan. Bagama’t humingi ako ng tulong para bigyan ako ng abogado ng ating embahada upang malinis ang aking pangalan, ay natapos at natapos ang kaso at nalinis ang aking pangalan pero hindi ako binigyan ng abogado.

Noong nabalitaan ng embahada na tapos na ang kaso at malinis na ang a­king pangalan, ay biglang tumawag sa akin ang isang opisyal ng embahada upang sabihin lang sa akin na huwag ko na raw problemahin ang pagbabayad sa abogado at ang embahada na raw ang magbabayad.

Tumutol ako at sinabi ko na hindi na kailangan na gumastos ang gobyerno para sa akin dahil kaya ko namang bayaran ang KD350 na attorney’s fee na siningil ng abogado. Matapos ng pag-uusap namin ng opisyal ng embahada ay agad kong tinawagan ang aking abogado upang sabihin na huwag tatanggap ng bayad mula sa embahada dahil ako ang magbabayad. Kinabukasan ay tumawag ang abogado at sinabi sa akin na hindi na raw siya tatanggap ng bayad mula sa akin dahil ang embahada na lang daw ang kanyang sisingilin dahil tumawag daw sa kanya ang mataas na opisyal.

Malaking pasalamat din naman dahil kahit paano ay hindi ako nabawasan ng pera na ginamit ko naman para sa aking pag-uwi sa Pilipinas. Makalipas ng ilang buwan ay aksidenteng napadala sa akin ang kopya ng Payment  Voucher ng embahada ng Kuwait para sa aking abogado at doon ay nakasulat na ang binayaran ng embahada para sa Legal Assistance Fund (LAF) ay US$3,500 o katumbas ng KD1,064 gayong ang kontrata ko sa aking abogado kung ako ang magbabayad ay KD350 lamang dahil hindi naman ito isang full blown case at sa katunayan ay hindi nakaabot sa korte.

Sa pagbubukas ng 19th Congress, ay isa ito sa ating hihilingin na muling magbukas ng imbestigasyon sa mga anomalya sa Philippine Embassy sa Kuwait kabilang na ang pagbebenta ng mga “ALAK “ ng mga opis­yales ng ating embassy na mahigpit na ipinagbabawal ng bansang Kuwait. Hihi­lingin din natin na imbestigahan ang anomalya sa (LAF) pati na rin ang kita sa pagpapaupa sa bakuran ng embassy.

Siyanga pala, kamakailan ay nagpakalat ng fake news ang isang opisyal ng embahada na diumano ako raw ay na-deport at hindi na makakabalik sa Kuwait. Wala pong katotohanan ang fake news na ito ng opisyal ng embahada, dahil ang katotohanan, bago ako umuwi ng Pilipinas ay mayroon akong Exit Clearance mula sa MOI (Ministry of Interior), CSC (Council of Saudi Chambers) at sa MOH (Ministry of Health). Wala po akong kaso at malinis ang aking pangalan sa anumang ahensya ng bansang Kuwait at anomang oras ay maaari akong bumalik sa Kuwait anomang oras na aking naisin. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

243

Related posts

Leave a Comment