Vote buying binabantayan BSKE CAMPAIGN UMARANGKADA

NANAWAGAN si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga botante na ibasura at huwag tangkilikin ang vote buying para protektahan ang pagkasagrado ng electoral process.

“That’s why I call on everyone: let’s work together to protect our electoral process against those who commit vote buying and vote selling. Wakasan natin ang kanser ng lipunan na ito!” ayon kay Abalos sa isang kalatas.

Opisyal na kasing nagsimula ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 19 ang campaign period para sa Oct. 30 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Pinaalalahanan naman nito ang mga botante na may kapangyarihan ang mga ito na simulan ang pagbabago sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagpili sa tamang kandidato.

“Voting is a sacred exercise of our democratic rights. Napakahalaga ng inyong mga boto lalo na’t malaki ang papel na ginagampanan ng mga barangay sa pagpapatupad ng mga programa at polisiya ng pamahalaan,” dagdag na wika nito.

Tinuran pa ni Abalos na handa na ang Philippine National Police (PNP) na mag-deploy ng mas maraming tauhan partikular na sa mga lugar na dinetermina ng Commission on Elections (Comelec) bilang “areas of concern” para mapanatili ang “public safety at security” at mapigilan ang lahat ng uri ng election-related violence sa komunidad.

“Kasama ng Comelec at ng mga mamamayang Pilipino ang DILG at ang PNP sa pagbabantay at pagtitiyak ng mapayapang pagdaraos ng halalan, mula kampanya hanggang sa bilangan. Sama-sama nating itaguyod ang maayos, malinis, at matiwasay na eleksyon ng ating mga barangay officials tungo sa pagkamit ng ating mithiin na isang Bagong Pilipinas,” ayon pa rin kay Abalos.

Sa kabilang dako, sinabi ng PNP na magde-deploy ito ng 187,000 police officers sa iba’t ibang panig ng bansa bilang bahagi ng pinaigting na “alert measures” para sa halalan.

(CHRISTIAN DALE)

188

Related posts

Leave a Comment