PINAGHAHANAP na ng Philippine National Police (PNP) ang persons of interest sa pananambang kamakailan kay Misamis Occidental Gov. Henry Oaminal.
Sinabi ni PNP spokesperson Col.Jean Fajardo na kumikilos na ang PNP upang mahanap ang mga suspek.
Gayunman, tumanggi ang opisyal na idetalye ang mga personalidad o grupo na nasa likod ng pag-atake upang hindi makompromiso ang imbestigasyon.
Pinakilos na rin ng Northern Mindanao Police ang kanilang mga tauhan sa Misamis Occidental kasunod ng pag-atake.
Sinabi ni Fajardo na isang sasakyan ang namataan sa Barangay Lapasan sa bayan ng Clarin bago maganap ang pagpapasabog ng improvised explosive device sa dumadaang convoy ng gobernador noong October 15.
Sa ulat, pauwi ang gobernador sa Ozamiz City mula sa isang pagpupulong nang maganap ang pagpapasabog.
Maswerte namang hindi nasaktan sa insidente ang gobernador gayundin ang kanyang mga bodyguard.
Hindi rin inaalis ng mga imbestigador ang posibilidad na politically motivated ang pag-atake sa gobernador.
Kasunod ng insidente, hinigpitan na ng PNP ang seguridad sa mga lugar na madalas puntahan ng gobernador.
Pinaigting din ang paglalatag ng checkpoint sa lugar.
(PAOLO SANTOS)
114