NANAWAGAN ng pagkakaisa at kooperasyon ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko para maging maayos at matiwasay ang eleksyon ngayong Lunes lalo na sa bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao.
Ito ay kasunod ng ulat na pagsunog sa ilang paaralan sa Mindanao na gagamiting polling precinct.
Ayon kay 103rd Infantry (Haribon) Brigade commander Brig. Gen. Yegor Rey Barroquillo Jr., kailangan ng gobyerno ang tulong mula sa sambayanan upang maging bahagi sila ng solusyon para sa matagumpay, tapat at maayos na halalan.
Tiniyak naman ng Comelec na hindi makaaapekto sa isasagawang eleksyon ang pagsunog sa tatlong magkakahiwalay na paaralan sa Lanao del Norte at Maguindanao.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bagama’t nasa loob ng compound ng paaralan ang naturang mga gusali, mistulang nagkamali umano ang mga sumunog dahil hindi ito ang gagamiting presinto sa halalan.
(JESSE KABEL RUIZ)
506