12 TAUHAN NG SDEU NG MPD STATION 14 SINIBAK

INALIS sa pwesto ang 12 tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Barbosa Police Station 14 ng Manila Police District makaraang ireklamo sa umano’y ilegal na anti-drug operations kung saan dalawang indibidwal ang pinasok sa bahay sa Tondo, Manila kamakailan.

Ayon sa reklamo, nang damputin umano ang dalawang babae na sinasabing tulak ng iligal na droga, imbes na dalhin sa presinto ay dinala ang mga ito sa tabi ng Station 14 sa Quiapo, Manila at hiningian ng P45K kapalit ng kanilang kalayaan.

Nang makarating ito kay Police Lieutenant Colonel Brillante Billaoac, agad na inalis sa puwesto ang 12 tauhan ng unit habang sumasailalim sa malalimang imbestigasyon para mapanagot ang tunay na may sala na posibleng ikasibak sa kanilang serbisyo.

Ang maagap na aksyon ng hepe ay naaayon sa direktiba ni MPD Director Police Colonel Arnold Thomas Ibay, na walang kinikilingan at kung may kasalanan man ay pananagutin.

(RENE CRISOSTOMO)

344

Related posts

Leave a Comment