ITO ang naging tugon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine kasunod ng ulat na pagdami ng mga barko ng China sa bahagi ng West Philippine Sea sa bisinidad ng Ayungin Shoal, kasunod ng pinakahuling Rotation and Resupply Mission ng Philippine Navy.
Ayon kay AFP Spokesman, Col. Medel Aguilar, walang sinomang makapipigil sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa pagsasagawa ng Rotation and Resupply (RoRe) Mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kasunod ng huling matagumpay na resupply Mission sa BRP Sierra Madre.
Nilinaw ni Col. Aguilar, lehitimo ang regular na resupply mission sa BRP Sierra Madre dahil may mga tauhan ang AFP na naka-istasyon doon na kailangang suplayan ng mga pagkain at iba pang pangangailangan.
Wala rin umanong pakialam ang ibang bansa sa napapadalas na resupply mission. Walang pakialam ang ibang mga bansa anoman ang gawin ng AFP sa teritoryo ng bansa.
Bukod sa pag-ehersisyo ng sovereign rights at hurisdiksyon sa lugar, ang mga aksyon ng AFP sa Ayungin Shoal ay bilang pagtataguyod ng rules based international order, kung saan tumutupad ang AFP sa international convention on the Law of the Seas (UNCLOS), ayon sa opisyal.
Sinasabing may mga mekanismo na itinatakda ang international convention sa pag-resolba ng mga ‘dispute’ sa karagatan, at hindi ito sa pamamagitan ng paggamit ng water cannon tulad ng ginawa ng Chinese Coast Guard, ani Aguilar.
Ito ang binigyang-diin ng tagapagsalita ng AFP kasunod ng mga ulat na mayroong halos 40 barko ng China ang namataan sa paligid ng Ayungin Shoal.
Isa aniya ito sa pamamaraan upang maipakita ng ating bansa sa buong mundo na ang Pilipinas ang mayroong hurisdiksyon at sovereign rights sa Ayungin Shoal na pagtataguyod na rin sa rules based international order.
Kasabay nito, nanindigan din siya na nananatiling legal at mapayapa ang ginagawang resupply efforts ng pamahalaan, at magpapatuloy rin aniya ang AFP sa supply information nito sa BRP Sierra Madre.
(JESSE KABEL RUIZ)
338