PULITIKANG PINOY WALANG PERMANENTENG KAKAMPI

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAHIGIT isang taon pa lang ang nakalipas na 2022 national at local elections at malayo pa ang susunod na 2028 presidential election, ay tilang nagbabangayan na ang mga dating magkakampi.

Kamakailan, mismong sa ilalim ng Lakas-CMD party na pinamumunuan ni dating pangulo at kasalukuyang Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo, ay nagsimula na ang hindi pagkakaunawaan.

Nasa ilalim din ng partidong ito sina Vice President Inday Sara Duterte at House of Representatives Speaker Martin Romualdez.

Sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Speaker Martin Romualdez ay nagkaroon ng sagutan base sa kani-kanilang mga pahayag sa media.

Nabuking kasi ni Duterte ang plano ng magpinsang sina Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Romualdez na hindi na mawala sa kanila ang Malakanyang.

Tila ipapasa ni BBM kay Romualdez ang pagka-presidente sa 2028 presidential election.

Sa programa ni Duterte sa Gikan sa Masa, sinabi ng dating pangulo na nais ng magpinsan na magkaroon ng continuity sa kanilang pagiging lider ng bansa.

Lumalabas na hindi nila susuportahan si Vice President Sara Duterte sa 2028 presidential election.

Kamakailan, sunod-sunod na binanatan ni Duterte si Romualdez at ang Kongreso na inilarawan pa nito na pinaka-korap na sangay ng pamahalaan.

Nagsimulang magbangayan ang dalawa nang magdesisyon ang Kamara na i-realign ang confidential fund ni VP Sara.

Dito na lumutang ang isyung pagkawasak ng UniTeam sa pagitan ng pamilyang Marcos at Duterte.

Nagdesisyon ang liderato ng Kamara na sinuportahan ng iba’t ibang political party sa kapulungan, na ilipat ang P1.23 billion confidential funds sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang security agencies upang magamit sa pagbabantay at pagdepensa sa West Philippine Sea (WPS).

Kabilang sa halagang ito ang P500 million ng Office of the Vice President (OVP) at P150 million sa Department of Education (DeEd) kung saan Secretary si Sara Duterte.

Matatandaan, noong 2022 national at local elections ay magkakasama sina Pangulong Bongbong Marcos, VP Sara Duterte, Speaker Martin Romualdez at dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa tinawag nilang UniTeam subalit ngayon ay tila nagsimula na silang magbangayan.

Magkakalaban umano sa 2028 presidential election ang dating magka-partido na sina Speaker Romualdez at VP Sara Duterte.

Sa SWS survey noong June 12, nangunguna sa posibleng pumalit kay Pangulong Bongbong Marcos, ay si VP Sara Duterte na nakapagtala ng 28%.

Pumangalawa si Sen. Raffy Tulfo na may 11%, pangatlo si dating VP Leni Robredo at pang-apat si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com

249

Related posts

Leave a Comment