BI NABULABOG KAY REMULLA

BISTADOR ni RUDY SIM

MARAMI ang nagulat ilang araw na ang nakaraan, nang direktang banatan at isiwalat sa harap ng media ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla ang natuklasang katiwalian sa ahensyang nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, ang Bureau of Immigration (BI).

Tinukoy ni Remulla na nakarating sa kanyang kaalaman ang tungkol sa nakalulusot na pag-issue ng ahensya sa Chinese nationals ng resident at working visa sa mga ito, gamit ang pekeng kompanya.

Isa ang alien employment permit sa mga requirement sa pagkuha ng 9g o working visa para sa mga dayuhan na iniisyu ng Department of Labor and Employment (DOLE). Kung dati ay pinepeke ang AEP card, ngayon naman ay tunay ngunit peke ang kompanya. Dahil na rin sa kinang ng salapi kung kaya’t maging ang ibang ahensya ng pamahalaan ay wala nang pag-asang maituwid ang baluktot na sistema.

Ang binitiwang banta ni Remulla na kung dapat pang manatili sa pwesto ang matataas na mga opisyales ng BI partikular ang ilang abogado sa Legal Division, ay isang malaking dagok muli sa kasalukuyang pamahalaan dahil ang mga ito ay hindi basta ganoon kadaling sibakin sa kanilang puwesto bilang opisyal ng gobyerno.

Sa higit tatlong dekada ko bilang isang mamamahayag sa BI, ay ngayon lamang nangyari na ang DOJ na isa ang BI sa mga attached agency nito, ang siyang nagsisiwalat sa kalat sa kanyang bakuran. Bakit kaya? Ito rin ang katanungan ng mga kawani ng ahensya na nais din ang pagbabago sa kanilang tahanan na bugbog na sa kontrobersya.

Sinabi ni Remulla na sangkot din ang ilang travel agencies at handler ng mga Chinese, na nakikipagsabwatan sa mga tiwaling tauhan at opisyales ng BI maraming taon na ang nakararaan. Mula sa daan-daang milyones ay umabot ng hanggang sa bilyon ang kinita ng mga ito sa rami ng mga dayuhang nabigyan ng visa. Dapat ding silipin ni Remulla ang lifestyle nitong mga kumag mula sa kanilang luxury cars, mansion at condo at maging kung ilan ang kanilang kulasisi na binigyan ng magandang bahay at sasakyan gamit ang kanilang posisyon.

Sa susunod ay ating ibibisto ang patuloy na pagtabo ng salapi mula sa ‘lifting of blacklist’ sa mga POGO ng isang malaking Bulldog at bayaw umano ng hepe ng BI na itatago natin sa pangalang Norman Tansingco, na inilagay nito sa kanyang tanggapan. Para kaya saan? Miyembro kaya ng Takusa itong si Tan5 o sadyang masunurin lamang sa kanyang asawa? ABANGAN!!

326

Related posts

Leave a Comment