BUBUHAYIN ng Pilipinas ang tatlong mega-railway projects kung saan ang pondo ay magmumula sa foreign donors matapos na tuluyang ibasura ang China bilang funding source.
Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na ang tatlong big-ticket rail projects, orihinal na gagastusan ng pinagsamang $5 billion ang rerebisahin ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board para sa bagong costing.
“Kailangan nating kumuha muna ng updated approval kasi although it’s part of the 197 flagship infrastructure projects, ay magkakaron ito ng change of cost dahil ang project na ito ay project ng nakaraang gobyerno, meron nang approved cost. Pero tingin ko ay magkaroon ng additional cost because of the delay, because of the increase in cost of materials and cost of labor,” ang paliwanag ni Bautista.
Nauna nang inaprubahan at binroker (broker) ng administrasyong Duterte kabilang ang freight connection sa pagitan ng dalawang higanteng dating US military bases sa Luzon: isang $896-million, 71-kilometer railway na nagkokonekta sa Subic Bay Freeport Zone at Clark Freeport Zone.
Ang dalawang iba pa na $2.5-billion railway ay may kahabaan mula Calamba patungong Bicol province at isang $1.45-billion train line sa Mindanao.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Bautista na hindi na hinahabol pa ng Pilipinas ang China para pondohan ang tatlong proyekto.
Ang kanselasyon ay nangyari matapos ang outbreak ng bagong tensyon sa waterway flashpoint sa West Philippine Sea, bagaman si Bautista noong panahon na iyon ay minaliit ang espekulasyon na ang desisyon ay iniugnay sa nasabing usapin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Bautista na tatapikin din ng pamahalaan ang ibang mga donors o partner.
“Official development assistance (ODA) bodes well since if in the form of a loan, it can be paid long-term and with a grace period,” ayon sa ulat.
“Itong tatlong railway projects na ito, mainly financed by either ODA, PPP or from government. And we’re looking at all those three sources as possible financing for these projects,” aniya pa rin.
Gayunman, tinukoy ni Bautista maaaring bahagyang i-bankroll ng gobyerno ang mga proyekto lalo pa’t hindi naman saklaw ng ODA ang expropriation costs para sa “right of way.”
“Meron tayong tinatawag na fiscal space problem so most probably, ito ay magiging ODA. Maybe certain part of the project can be financed by the government also,” aniya pa rin.
“For example, ‘yung right of way. Hindi ‘yan kino-cover ng mga ODA. Ito ay magiging gastos ng gobyerno. Pinag-aaralang mabuti ‘yan. Under existing guidelines, ‘yung right of way hindi nako-cover ‘yan ng ODA, so dapat gobyerno talaga magbayad,” dagdag na pahayag ng Kalihim.
(CHRISTIAN DALE)
