CEBU CITY – Apat na bata na may mga edad na 10, 6, 1 taon gulang, at isang 11-buwang sanggol ang namatay sa sunog na tumupok sa limang kabahayan sa Sitio Upper Capaculan, Barangay Tisa, sa lungsod na ito, nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Wendell Villanueva, spokesperson ng BFP-Cebu City, natutulog ang mga bata sa kanilang bahay nang sumiklab ang sunog.
Kinilala ang magkakapatid na mga biktima na sina Angelo Bayaton, 10; Crylle Bayaton, 6, ang isang taong gulang na si Christina Bayaton, at isa pang 11-buwang sanggol na si Amari Zane Cabornay.
Dalawang indibidwal pa ang nasugatan na kinilalang sina Pristine Cabornay, 30, at Gelou Cabornay, 31, parehong dumanas ng first-degree burns.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Gemma Cabornay dakong alas-5:50 ng umaga.
Limang bahay ang tuluyang tinupok ng apoy habang dalawa ang partially damage at tinataya ng BFP na umabot sa P525,000 ang halaga ng pinsala.
(NILOU DEL CARMEN)
