PANAHON na para buhayin ang parusang kamatayan sa bansa upang hindi lang ang mga Pilipino ang nabibitay sa ibang bansa kundi ang mga dayuhang nagdadala ng illegal na droga sa bansa.
Ito ang iginiit ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers matapos bitayin ng China ang dalawang Filipino drug couriers kamakalawa.
“Our kababayans convicted in foreign lands for drug trafficking are almost always executed while we extend kid gloves treatment if not VIP treatment to foreigners especially Chinese nationals who are apprehended and convicted of the same offense here,” ani Barbers.
Hindi umano ito patas kaya kailangan ibalik na rin ang parusang kamatayan sa bansa upang mabitay ang mga Chinese drug lord.
Ilang Kongreso na ang tinangkang buhayin ang parusang kamatayan na binasura ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2006 subalit laging bigo ang mga nagsusulong nito dahil sa kawalan ng suporta sa executive department.
Dahil dito, walang dayuhan tulad ng Chinese nationals ang nabitay sa bansa sa halip ay namumuhay marangya pa rin ang mga ito sa loob ng kulungan matapos masentensyahan sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Bukod sa droga, marami pang karumal-dumal na krimen ang ginagawa ng Chinese nationals sa bansa subalit malamya ang batas sa mga ito kaya dito nila ginagawa ang krimen na may katapat na parusang kamatayan sa kanilang bansa.
Kahit noong kasagsagan ng war on drugs ng Duterte administration ay hindi nakanti ang mga Chinese drug lord dahil ang sentro ng kampanya ay sa demand side lamang.
Kaugnay nito, hindi malayong ang pagbitay sa dalawang Pilipino na nahatulan ng kamatayan dahil sa drug trafficking ang resulta ng matigas na paninindigan ng Pilipinas sa maritime dispute sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Dr. Rommel Banlaoi, pangulo ng Philippine Society for International Security Studies at board member ng China-Southeast Asia Research Center on the South China Sea, na hindi malayong balewalain ng Beijing ang humanitarian appeal ng gobyerno ng Pilipinas para sa dalawang Pilipino dahil sa pinilit lamang na bilateral relations.
Binigyang diin nito na may karapatan ang Tsina na ipatupad ang sarili nitong batas.
Kabilang na rito ang mga apela mula sa ibang bansa depende sa kalagayan ng kanilang relasyon.
Nauna rito, sa ulat, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ipinatupad na ng China ang parusang kamatayan laban sa dalawang Pinoy na nahuling nagdala umano ng ilegal na droga sa nasabing bansa noong 2013.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
