RESULTA NG 2023 BAR EXAM ILALABAS NGAYON

INILABAS na ng Korte Suprema ang official QR code para sa livestream ng mga mag-aabang sa resulta ng 2023 Bar Exams ngayong Martes, Disyembre 5.

Ayon sa Korte, ilalabas din ang listahan ng resulta sa kanilang official social media accounts para sa mga hindi makapupunta sa courtyard ng Supreme Court sa Maynila para personal na saksihan ang paglalabas ng resulta.

Pinaalalahanan naman ang mga pupunta sa Supreme Court kaugnay ng mahigpit na seguridad at patakaran na ipatutupad.

Pinapayuhan ang mga pupunta na magsuot ng disenteng damit at magsuot ng face mask.

Alas-12:00 ng tanghali ilalabas ang resulta ng 2023 Bar Exams.

Samantala, agad magsisimula sa Miyerkules, December 6 ang pag-aasikaso ng clearance para sa mga papasa sa Bar Exam, na tatagal hanggang December 15.

Ipinaalala ng SC na tanging mga successful bar examinees na naka-comply o maagang nakasunod sa panuntunan ng application requirements ang papayagang makapag-proseso ng clearance para sa oath taking ceremony.

Maaari umanong tingnan sa website ng Bar Applicant Registration Information System and Tech Assistance o BARISTA ang status kung “complied” na, para maasikaso ang clearance.

Ayon sa SC, dapat mag-upload ng bagong 2×2 photo na naka-business attire at walang nameplate ang mga mag-aasikaso ng clearance.

Kailangan din magbayad ng P5,000 na Bar Admission Fee, P100 na Certification Fee, at P90 na Documentary Stamp Tax.

Ipadadala sa BARISTA accounts at email ng mga successful bar examinees ang official invitation para sa oath taking ceremony, na gaganapin sa December 22 sa SMX Convention Center sa Pasay, alas-11:30 ng umaga.

Paalala rin na dapat ay naka-proper court attire ang mga manunumpang bar examinees, at dapat naka-proper business attire ang mga kasamang guest.

Mahigit 10,700 ang lumahok sa 2023 Bar Exams na ginanap noong Setyembre.

(JULIET PACOT)

314

Related posts

Leave a Comment