BUHAY na buhay pa ang Charter change (Cha-cha) dahil tatrabuhin ng Kongreso sa susunod na taon ang paglulunsad ng people’s initiatives para ipaubaya sa mga Pilipino kung anong gusto nilang paraan sa pagboto ng Senado at Kamara sa mga probisyong mag-aamyenda sa 1987 Constitution.
Mismong si House Speaker Martin Romualdez ang umamin sa Philippine Economic Forum sa Iloilo City noong Lunes na pinaplano nila ito kasama ang mga lider ng iba’t ibang partido pulitikal sa Kongreso.
“I’m going to be sharing with you things that I’ve not shared with the public… I will actually be pre-empting our all-party leaders’ caucus this afternoon and sharing it with you here in Iloilo. We are thinking of addressing the procedural gap or question as to how we amend the Constitution,” ani Romualdez.
Sa ngayon ay hindi umuusad ang Cha-cha dahil hindi magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso partikular na sa botohan ng bawat probisyon ng Saligang Batas na aamyendahan.
Hindi pumapayag ang mga senador na isama ang kanilang boto sa boto ng mga congressman dahil 24 lamang ang mga ito habang mahigit 300 ang miyembro ng Kamara.
“We will highly recommend that we embark on a people-centered initiative to cure this impasse, so to speak, on how we vote. And I hope that we can undertake this as soon as possible so we could have some clarity on the procedures. We’d like to have that [procedural problem] resolved by and through a people’s initiative,” ani Romualdez.
Noong Marso 2023 ay pinagtibay ng Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) 6 na maghalal ng mga miyembro ng Constitutional Convention (ConCon) na siyang mag-aamyenda sa Saligang Batas.
Gayunpaman, hindi ito inaaksyunan sa Senado habang marami naman ang kontra sa Cha-cha sa labas ng Kongreso lalo na’t ang target amyendahan ay economic provisions para bigyan ng karapatan ang mga dayuhan na magmay-ari ng mga lupain sa bansa.
Duda rin ang mga anti-Cha-cha group na hindi gagalawin ang political provisions para mapalawig ang termino ng mga incumbent elected officials mula Pangulo hanggang sa local executives.
Gayunpaman, hindi sumusuko ang Kongreso kaya nais ng mga ito na ang taumbayan na ang magdesisyon kung anong paraan nais nilang bumoto ang mga senador at congressmen sa mga aamyendahan sa saligang batas.
(BERNARD TAGUINOD)
