PAANO NA ANG UNLI RICE NI JUAN DELA CRUZ?

IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO
TALIWAS ang nangyayari ngayon sa sinabi ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na hindi raw tataas ang presyo ng bigas sa bansa pagpasok ng taong 2024.
Sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa kamakailan, walang mangyayaring pagtataas sa pre­syo ng bigas hanggang sa pagpasok ng taong 2024.
Ayon sa kanya, aabot sa 77 araw ang national inventory stocks at aabot pa sa 94 araw pagpasok sa buwan ng Nobyembre.
Sabi pa niya, maaasahan natin na maganda at malaki po iyong national inventory natin sa bigas. Maaasahan po natin na talagang sapat, maganda at matatag po ang suplay ng bigas natin at aabutin pa ito ng hanggang sa taong 2024.
Maganda rin daw ang ating harvest ngayong wet season, magmula sa katapusan ng Agosto, Set­yembre hanggang Oktubre at hanggang Nobyembre ay ina­asahan na talagang sapat ang ani, kaya wala tayong inaasahan na pagsipa sa presyo ng bigas.
Ginoong De Mesa, nasaan ang sinasabi n’yong hindi tataas ang presyo ng bigas hanggang sa pagpasok sa taong 2024?
Ngayong Disyembre pa lang, halos wala ka nang makitang bigas na ang presyo ay bababa ng P50 kada kilo.
Nasaan ang sinasabi mong stocks at mga inani ng ating mga magsasaka, bakit walang mabiling bigas na mas mababa sa P50 kada kilo?
Kadalasan ang makikitang presyo ng bigas nga­yon sa Metro Manila ay P50 pataas.
Kamakailan, nagbabala ang isang rice price watchdog na maaaring umabot ng hanggang P60 ang kada kilo ng regular-milled na bigas sa bansa hanggang sa Kapaskuhan.
Ang babala ay ginawa ng Bantay Bigas dahil na rin sa gaps ng lokal na suplay at tumataas na presyo sa international market.
Sinabi ni Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, hindi lamang sa Metro Manila mataas ang presyo ng bigas, kundi maging sa rice producing pro­vinces din.
Kabilang na rito ang lalawigan ng Aurora na nasa P52 ang kada kilo ng pinakamurang bigas.
Ayon sa pa kanya, nakalulungkot na kung kailan magpa-Pasko pa naman ay saka mataas ang presyo ng bigas.
Paano na si Juan dela Cruz na mahilig ng unli rice?
Ang mayayaman ay hindi apektado nito kasi mahina silang kumain ng kanin.
Babala pa ni Estavillo, maaaring magpatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng bigas sa panahon ng Kapaskuhan na posibleng umabot ng hanggang P60 kada kilo dahil sa kawalan ng matibay na
solusyon ng gobyerno sa problemang ito.
Nasaan na rin ang sinasabi nilang may mabibiling murang bigas sa mga probinsiya?
Eh, mismong ang Bantay Bigas ang nagsabing walang mabibiling murang bigas sa mga lalawigan, pati na rin sa tinatawag na rice producing provinces. Ay naku, Mister De Mesa, sir, maging makatotohanan kayo sa inyong binibitiwang mga salita!
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
407

Related posts

Leave a Comment