2023 HITIK SA MALALAKING VEHICULAR ACCIDENTS

NAGTALA ng malalaking aksidente sa lansangan ang lilipas na taong 2023.

Narito ang mga nakalap ng SAKSI Ngayon na aksidenteng nangyari ngayong taon.

Isa sa mga trahedyang gumimbal sa publiko ang pagkahulog ng Ceres bus na nawalan ng preno sa bangin sa Barangay Igbucagay, sa bayan ng Hamtic sa Antique nito lamang Disyembre 5.

Umabot sa 18 ang nasawi sa 28 sakay ng bus kabilang ang driver at konduktor.

Sa LEYTE, Limang magkakapamilya ang patay at walo ang sugatan nang ang kanilang sinasakyang multicab ay mabangga ng pampasaherong van sa national highway sa Brgy. Guindapunan, bayan ng Palo noong Nobyembre 9 ng mdaling araw. Kakaliwa sana ang multicab at paparada sa harap ng chapel nang masalpok ito sa kanang tagiliran ng humaharurot na van.

Sa LAGUNA, apat na magkakapamilya ang nasawi at anim ang sugatan nang salpukin ng isang pick-up truck ang kasalubong na tricycle at motorsiklo sa National Highway, Brgy. Bucal, Calamba City noong Nobyembre 1. Patungo sana ang nasawing mag-anak na sakay ng tricycle sa Sariaya, Quezon mula sa Laguna para dumalaw sa mga yumaong kaanak ng nasawing nanay.

Sa ANTIPOLO CITY, apat namang kabataang lalaki ang nasawi nang ang kanilang sinasakyang kotse ay sumalpok sa hulihan ng sinusundang truck sa Marcos Highway, Barangay Mayamot, madaling araw ng Nobyembre. Pumasok sa ilalim ng truck ang unahan ng kotse na ikinaipit sa loob ng apat na sakay.

BUKIDNON: Apat din ang patay kabilang ang tatlong empleyado ng munisipyo at isang barangay kagawad matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinakyang boom truck, noong Marso 16 ng hapon. Nag-deliver ng mga concrete culvert ang mga biktima sa Barangay L at pabalik na sa munisipyo nang mangyari ang aksidente matapos mawalan ng preno ang truck.

PANGASINAN: Apat ang sumakabilang-buhay at 31 ang sugatan nang ang kanilang sinasakyang truck ay bumulusok sa pababang kalsada ng Sitio Mapita, Barangay, Laoag noong Marso 2 ng hapon. Mga construction worker na galing sa itinatayong solar plant ang mga sakay ng naaksidenteng truck.

BILIRAN: Nasawi ang apat na miyembro ng isang pamilya nang ang kanilang sinasakyang motorsiklo ay mabangga ng truck sa Sitio Taloto, Brgy. Maurang, Caibiran, noong gabi ng Enero 8.

Sa PAMPANGA, tatlo ang nasawi at isa ang sugatan sa karambola ng isang kotse, pick-up truck at isa pang truck sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na bahagi ng bayan ng Mabalacat noong Mayo 31. Ang ugat ng sakuna, ang pick-up truck na napunta sa southbound lane mula sa northbound lane at nasalpok ang kotse na ikinamatay ng lahat ng mga sakay nito.

BOHOL: Tatlong local tourist ang patay nang ang sinasakyan nilang van ay sumalpok sa Camanayon Bridge sa Brgy. Buenos Aires, bayan ng Carmen noong madaling araw ng Oktubre 23. Ang mga turista ay patungo sa sikat na Chocolate Hills mula sa Panglao Island nang mapaidlip umano ang nagmamaneho sa van.

DAVAO CITY: Tatlo ang nasawi nang magkabanggaan ang dalawang truck sa national highway ng Sitio Pamuhatan, Barangay Marilog Proper, Davao City noong umaga ng Nobyembre 25. Nasawi ang driver at babaeng pasahero ng sangkot na trailer truck at ang driver ng isa pang dropside truck.

QUEZON: Tatlo ang patay, pito ang sugatan sa owner type jeep na nahulog sa bangin sa bayan ng Infanta, noong Nobyembre 19 ng hapon. Sakay ng owner type jeep na minamaneho ng isang American pastor, ang walong miyembro ng katutubong Dumagat, at patungo sa Barangay San Marcelino, sa bayan ng General Nakar para sa religious activities, nang mangyari ang aksidente.

Tatlo ring college professor ng Southern State University ang nasawi matapos masagasaan ng isang pampasaherong jeep sa Maharlika Highway, Brgy. Lagalag noong Hulyo 26 ng gabi. Galing ang tatlo sa meeting sa eskwelahan para sa gaganaping graduation ng mga estudyante, nang mabangga habang papatawid sa highway. Sa bayan ng DOLORES sa lalawigan pa ring ito, tatlo ang patay at dalawa ang sugatan matapos araruhin ng isang elf truck ang isang top down tricycle at isang bahay sa gilid ng highway sa Brgy. Sta. Lucia noong alas-9:00 ng umaga ng Hulyo 10. Kargado ito ng mga semento at hollow blocks, at palusong sa bahagi ng kalsada nang bigla na lamang itong bumulusok na ikinasawi ng driver ng truck at magbiyenan na nakatira sa bahay.

Sa LIPA CITY, tatlo rin ang patay nang magsalpukan ang isang motorsiklo, kotse at pick-up sa Laurel Highway, Brgy. Inosluban noong madaling araw ng Pebrero 26. Nasawi sa insidente ang driver ng pick-up, ang driver ng motorsiklo at ang babaeng backrider nito.

Sa BUTUAN CITY: Tatlo ang patay, apat ang sugatan nang mahulog sa bangin ang truck na may kargang mga saging sa Barangay De Oro, noong gabi ng Oktubre 2. Nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck na naging dahilan upang sumadsad sa gilid ng daan ang truck at natumba. Tatlo pang biktima ang nadagdag sa talaan matapos mahulog sa bangin ang isang truck na nawalan ng preno sa provincial road sa Brgy. San Mateo noong Mayo 12. Namatay rin sa aksidente ang menor de edad na helper ng truck at ang magkapatid na negosyante habang kritikal naman ang driver.

Sa BATANGAS CITY: Dalawa ang nasawi habang nasa 10 ang sugatan nang ang isang barangay patrol jeep ay sumalpok sa puno sa gilid ng kalsada sa Barangay San Miguel, noong Setyembre 11. Mga barangay tanod at mga barangay volunteer ang sakay ng patrol service jeep na galing sa isang tree planting activities sa bulubunduking bahagi ng Sitio Tanlayag ng Barangay San Miguel, nang ito ay madisgrasya.

CEBU: Dalawa ang nasawi habang 14 ang sugatan sa karambola ng pampasaherong bus, dalawang motorsiklo at isang cargo truck sa national highway sa Barangay Uling, Naga City, sa Southern Cebu noong Miyerkoles ng umaga, Nobyembre 22.

QUEZON: Patay ang mag-asawa, sugatan ang anak nila at isang apo nang ang kanilang sinasakyang motorsiklo ay mabangga ng ambulansya sa national highway sa Sitio Yuyuan, Barangay Camflora, San Andres, Quezon noong umaga ng Hulyo 22. Patawid sa highway ang motorsiklo nang mahagip ng paparating na ambulansya.

ILOCOS NORTE: Dalawa ang patay, tatlo ang sugatan sa magkakapamilyang sakay ng “kurong-kurong” nang mabangga ng isang bus sa national highway sa Barangay 18, bayaan ng Magnuang noong Setyembre 10.

*NORTH COTABATO: Labing-walo ang sugatan nang tumaob ang sinasakyan nilang truck sa National Highway sa Old Bulatukan, Makilala, North Cotabato, Lunes ng hapon noong Disyembre 11. Galing sa pakikipaglibing sa kanilang kaanak sa bayan ng President Roxas ang 17 sakay ng bongo truck at pauwi sa kanilang bayan ng Malungon sa Sarangani Province nang mangyari ang aksidente.

Batay sa data, nasa 11,487 mga Pilipino ang nasawi sa iba’t ibang aksidente sa transportasyon nitong 2023, mas mataas ng 3.4 percent mula sa 11,114 na mga Pilipino na namatay mula sa mga aksidente sa kalsada noong 2021. Dahil dito, ang mga aksidente sa sasakyan ang ika-12 na nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas ngayong 2023.

Sa sasakyan na sangkot sa pinakamaraming aksidente, batay sa data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), ay nagpapahiwatig na ang mga pinsalang nauugnay sa motorsiklo ay binubuo ng 69% ng kabuuang naitalang insidente ng transportasyon sa buong bansa.

Ito ay naaayon sa katotohanan na higit sa kalahati ng mga sasakyan sa Pilipinas ay mga motorsiklo.

Sa Metro Manila, ang mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga sasakyan ay umabot ng humigit-kumulang 52 porsyento ng kabuuang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga kotse at iba pang 4 wheels na mga sasakyan, na sinundan ng mga aksidente sa motorsiklo, na umabot sa humigit-kumulang 23 porsyento ng kabuuang bilang.

(NILOU DEL CARMEN)

518

Related posts

Leave a Comment